Recto vs Zubiri sa oil VAT exemption

TULUYAN nang sumiklab ang banggaan nina Sen. Juan Miguel Zubiri at Sen.Ralph Recto hinggil sa planong isuspinde ang paniningit ng Value Added Tax (VAT) sa pag-aangkat ng produktong petrolyo sa harap nang lumalalang krisis sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika.

Sa magkakahiwalay na panayam, nagtagisan ng kanilang pananaw sina Zubiri at Recto sa posibleng epekto ng sigalot sa Libya kaya’t kailangan tugunan ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbabawas sa buwis ng langis sa panukala ng una.

“Alam mo, kung nagpapanukala ka para sa reeleksiyon, tama un. Para sa akin, hindi kayang bawiin sa anumang pamamaraan ang mawawalang buwis,” ayon kay Recto sa panukala ni Zubiri na tanggalin ang VAT sa produktong petrolyo.

Naunang inihain ni Zubiri ang isang panukalang batas na nagbibigay ng dagdag na kapangyarihan sa Department of Energy (DOE) upang tugunan ang posibleng epekto ng tumitinding sigalot-politikal sa Libya at iba pang bansa sa Gitnang Silangan.

Naniniwala si Zubiri na kung babawasan o aalisin ang VAT na sinisingit ng gobyerno sa produktong petrolyo, hihina ang epekto ng pagsirit ng presyo ng langis sa mga consumer. Ngunit kailangan umanong itaas naman ang buwis sa sigarilyo at alak upang punan ang mawawalang buwis sa langis.

“They can make proposal but the Executive Deparment will not agree,” paliwanag ni Recto.

Ngunit, buwelta naman ni Zubiri na nagpapanukala lamang siya sa administrasyon na kinaaniban ni Recto dahil walang malinaw na direksiyon o plano ang Palasyo sa magiging epekto ng posibleng pagtaas ng presyo ng langis.

“At least we are presenting a proposal. Wala kasi kaming nakikitang ginagawa nila. Ano ba ang sa inyo, eto ang amin,” ayon kay Zubiri.

“At least ako may tatlong proposal, sila wala pa para maibaba ang posibleng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis,” dagdag ni Zubiri.

Inihayag naman ni Senate President Juan Ponce Enrile na wala pang panukala mula sa Palasyo na tugunan sa pamamagitan ng lehislasyon ang posibleng epekto ng sigalot sa Libya sa presyo ng produktong petrolyo.

“Mahusay na tinitignan natin ang impact sa presyo ng langis. Wala pang proposal sa oil price kasi tinitignan pa natin ang sitwasyon sa Gitnang Silangan kung ano ang mangyayari. Hindi naman puwedeng umatras ka pagkatapos ng lehislasyon,” paliwanag ni Enrile.

Dumalo si Enrile sa kauna-unahang pulong ng Legislative-Executive Development and Advisory Council sa Palasyo para pag-usapan ang priority bills ng administrasyon. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply