Remate editor pinagbabaril ng sakay ng SUV

PAHABA nang pahaba ang mga karanasan sa pamamaril ng mga tarantadong trigger happy o gustong pumatay nang walang kadahilanan.

Obserbahan ninyo ang mga pangyayaring ganito, mga Bro, sa loob ng isang linggo sa ating pahayagan o iba pang outlet ng media gaya ng mga radyo at telebisyon.

Magbilang kayo ng ganitong mga kaso at tiyak namang lalagpas sa butil ng rosaryo ang mabibilang ninyo.

May mga namamatay na biktima pero mayroon namang nakaliligtas.

Itong kasamahan natin mismo sa Remate na si Fred Cabalbag, editor, ay basta na lang pinagbabaril ang kanyang sinasakyan dakong ala 1:00 ng hatinggabi sa boundary ng Aparri at Camalaniugan, Cagayan.

Galing siya nang Maynila papuntang Camalaniugan at lumagpas ang kanyang sasakyan sa tapat ng kanilang bahay kaya naman bumuwelta siya.

Habang nagmamaniobra ang kanyang drayber, may mabilis na itim na SUV galing din sa kanilang pinanggalingan na napahinto nang saglit dahil sa kanilang pagbuwelta.

Nagmumura ang mga sakay ng SUV.

Makaraan nilang maiayos ang kanilang sasakyan at mapaabante ng mahigit 100 metro, bigla na lang silang pinagbabaril.

Walang nagawa ang mga biktima kundi lumabas sa sasakyan at magmasid ngunit humarurot na ang SUV patungong Aparri.

Kinabukasan, may natagpuang anim na kapsula ng kalibre .45 sa lugar at isinumite nila sa Aparri Police para sa kaukulang imbestigasyon.

Sa layo ng kanilang sasakyan, hindi naman sila natamaan pero may bahay sa tabi ng kalsada na binagsakan ng isang bala.

Sa hepe ng Aparri Police na si Chief Insp. Carlos Barsabal, sir, sino sa palagay ninyo ang may kagagawan nito?

Sabi ng inyong mga bata, isasailalim sa forensic investigation ang mga kapsula .

Kailan naman kaya malalaman ang resulta at makikilala kaya ang mga tarantadong kung mamamaril ng tao ay ganun na lamang?

Sayang nga lang at hindi naplakahan ng biktima ang itim na SUV dahil madilim sa lugar at  medyo malayo sa kanilang hinintuang lugar.

Humarurot na ring palayo ang SUV makaraan ang pamamaril.

Pero nasiyahan naman tayo sa sinabi ng hepe na mag-iimbestiga siya.

Itong magiting na si Gen. Francisco Villaroman na siyang regional provincial police office chief, sir, pakigawan nga ng paraan para hindi makalusot sa checkpoint ang mga gagong namamaril na ito.

Pupuwede bang pulis o pulitiko o simpleng kriminal ang may kagagawan?

Sabi ng biktima, relax ang mga pulis sa mahigit 500 kilometrong haba ng Maharlika highway na kanyang dinaanan.

Maraming checkpoint pero walang tumatao sa karamihan sa mga ito.

Kaya siguro nakalulusot ang mga may dalang baril na lisensiyado o walang lisensiya na utak pulbura.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.phBenny Antiporda

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply