Reseta sa condom tinutulan

TINUTULAN ng isang grupo na nagsusulong sa “reproductive health bill” ang ordinansa na ipinasa sa isang barangay sa Muntinlupa City na nag-uutos na kailangang magpakita ang kustomer ng reseta buhat sa doktor para makabili ng condom.

Sinabi ni Elizabeth Angsioco, ng National Chairperson of the Democratic Socialists Women of the Philippines, na “unconstitutional” at paglabag sa karapatan ng residente para sa kalusugan, edukasyon, privacy at pagtatag ng pamilya.

Ipinasa ang naturang ordinansa nitong Enero 3 sa pangunguna ni barangay chairman Alfred Xerez-Burgos, Jr dahil sa paniwala na isa umanong instrumento ng aborsyon ang mga kontraseptibo.

Naniniwala rin sila na maaaring makapatay ng sanggol at makasama sa kalusugan ng babae ang paggamit ng mga kontraseptibo at nagpapalakas sa “premarital sex”.

Sa panukala, kinakailangan munang magpakita ng reseta ang sinuman para makabili ng condom.

Inaatasan din ang lahat ng mga botika at pharmacist sa naturang barangay na itala ang datos sa ibinibentang mga kontraseptibo tulad ng bilang at petsa ng mga preskripsyon; pangalan at tirahan ng doktor; pangalan, bilang at manufacturer ng gamot; pangalan at address ng bumili; petsa ng preskripsyon at pirma ng pharmacist na tumanggap nito.

Pinagbabawalan din ng ordinansa ang lahat ng mga guro, advocates ng reproductive health, at social workers sa pagtuturo ng “sex education” sa loob ng naturang barangay nang walang kaukulang konsultasyon sa mga magulang ng mga mag-aaral.

Ang lalabag sa naturang ordinansa ay pagmumultahin ng P500 o pagkakulong ng hanggang apat na buwan. Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply