Roger Dominguez itinangging sangkot sa Evangelista murder

PINASINUNGALINGAN din ng isa pang diumano’y carjacking syndicate leader na si Roger Dominguez na nasa likod siya ng pagpaslang sa car dealer na si Venson Evangelista.

Ayon pa kay Roger sa kanyang kontra-salaysay, wala umanong anumang ebidensiya na magpapatunay na may katotohanan ang bintang sa kanya.

Si Roger ay muling humarap sa Quezon City Prosecutors Office (QCPO) at sa ama ng biktima na si Boy Evangelista Sabado, sa pagpapatuloy ng preliminary investigation sa kasong carnapping with homicide laban sa kanya. Naroroon din ang itinuturong kasamahan ni Dominguez na si Jayson Miranda.

Kinuwestiyun din ni Roger ang legalidad ng pag-aresto sa kanya dahil wala naman umanong naisyung warrant of arrest ang korte laban sa kanya.

Hindi rin daw tama ang ginawang pagsamsam sa diumano’y ebidensiyang nakuha sa kanya nang mahuli siya kamakailan sapagkat wala namang search warrant ang mga pulis nang nagsagawa ng paghahanap noon.

Ganito rin ang naunang sagot ng kapatid naman ni Roger na si Raymond Dominguez na sangkot din sa kaso.

Binigyan ng hanggang ngayong Lunes ng piskal ang kampo ni Evangelista upang magsumite ng sagot sa counter-affidavit ni Roger at hanggang Miyerkules naman ang palugit na ibinigay kay Roger para makapagpasa ng rejoinder.

Samantala, hiniling naman ni Miranda sa Quezon City Police Office (QCPO) na palayain siya mula sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG.

Naghain si Miranda ng urgent motion to release from custody dahil wala namang warrant of arrest nang madakip at wala rin siyang kinakaharap na ibang kasong kriminal.

Hindi rin umano applicable kay Miranda ang doctrine of hot pursuit dahil noon pang Enero nangyari ang krimen pero naaresto lamang siya halos isang buwan matapos ang insidente ng pagpaslang.

Nagbanta pa ang kampo ni Miranda na dudulog sila sa Korte Suprema kapag ibinasura ng piskal ang kanilang mosyon. Maghahain din sila ng petition for habeas corpus sa QC Regional Trial Court ngayong araw. Robert C. Ticzon

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply