Roxas sa Taiwan kinastigo ng Kamara

MULING pinuna ng minorya sa Kamara de Representantes ang desisyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na papuntahin sa Taiwan si dating Sen. Mar Roxas, hindi para humingi ng paumanhin kundi, para magpaliwanag kaugnay sa deportasyon ng 14 Taiwanese sa China.

Kinuwestyon ni House Assistant Minority Leader at Zambales Rep. Mitos Magsaysay ang desisyon ng Malakanyang na ipadala pa si Roxas sa Taiwan dahil humingi na ng paumanhin  si Manila Economic and Cultural Office (Meco) Chairman Amadeo Perez sa mga opisyal ng Taiwan.

Binigyang-diin ni Magsaysay na wala nang silbi ang pagiging emisaryo ni Roxas dahil nagkaharap na sina Perez at Taiwanese Foreign Minister Timothy Yang.

Puna pa ni Magsaysay na nakakahiya na hindi sumunod ang Meco sa pagmamatigas ng Malakanyang na hindi hihingi ng despensa dahil lumalabas na walang koordinasyon o malinaw na ugnayan ang Malakanyang sa Meco.

Ngunit ipinagtanggol naman nina Akbayan Rep. Walden Bello, chairman ng House committee on overseas workers affairs, at Maguindanao Rep. Simeon Datumanong na kabilang sa minorya ang pagpapapunta ng administrasyon kay Roxas sa Taiwan.

Naniniwala si Bello na ang pagiging emisaryo ni Roxas ay upang palamigin ang sigalot at plantsahin ang gusot sa pagitan ng dalawang bansa dahil sa isyu ng deportasyon sa China sa halip na pabalikin sa Taiwan ang 14 Taiwanese nationals.

Giit ni Bello na ginawa ito ng Malakanyang alinsunod na rin sa sitwasyon ng One-China Policy.

Ipinaliwanag naman ni Datumanong na hindi dapat kwestyunin ang desisyon na pagpapadala kay Roxas sa Taiwan dahil ito ay personal na desisyon ni Pangulong Aquino.

Personal umanong kakausapin ni Roxas sina Foreign Affairs Minister Timothy Yang at Taiwanese President Ma Ying-Jeou na ang pangunahing layunin ay magpaliwanag sa mga opisyal ng Taiwan kaugnay sa nabanggit na deportasyon. Meliza Maluntag

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply