Safe ba si PNoy sa Militar?

PANG-pagulat ang tanong na ito. Pero kwidaw kayo, hindi mali na may makaisip ng ideya. Bakit lumabas ang ganitong isipin?

Kasi siguro ipinagdiwang ang EDSA 1 noong isang araw at muli ay naibalik sa alaala ng mga Pilipino ang mga naganap noong Pebrero 1986 na naging daan sa pagpapatalsik sa diktadurya ni Marcos.

Syempre bida ang mga militar noon. Sila ang mga naging hero kasi kung hindi sila sumanib sa tropa ng kontra kay Marcos hindi siguro naging matagumpay ang EDSA 1, baka naging madugo pa.

At sa sumunod na EDSA, bida pa rin sila na syang naging pinakamalaking kasangkapan para muli ay mapatalsik sa pwesto si Pangulong Erap.

Kaya nga isinulat natin sa nakaraang kolum ang sa palagay ko ay ang naging kulang para mapatalsik si Gloria Arroyo diba? At ito ang hindi pagsuporta ng militar na kakampi kasi ni PGMA.

Ang tanong ngayon na nakarating sa akin – ligtas ba si Pangulong Noynoy Aquino sa kasalukuyang liderato ng Armed Forces of the Philippines?

Hindi tayo manghuhula ng sagot. Hindi ako mag-aalok ng paliwanag dito at di maghahayag ng malalim na opinyon. Ang mahalaga ay naibulalas na natin ang tanong na ito na dapat ay masusing pagisipan at pagaralan hindi lang ng administrasyong Aquino kundi ng bawat isa sa atin.

Dahil kung magkaroon na naman ng isa pang pag-aalsa na sasalihan ng mga militar ay ewan na lang kung saang kangkungan pa mapupulot ang ekonomiya natin at ang kinabukasan ng bansang Pilipinas.

Ang tanong na nga ulit – Ligtas ba si PNoy sa sarili nyang Sandatahang Lakas? Tanungin sana ito ni PNoy sa kanyang mga advisers.

Sa gitna ng demoralisadong AFP na sinasabing dahil ng pagkakabulgar ng garapalang kurakutan kung saan ang mga heneral mismo at kanilang mga maybahay ang sangkot, walang mawawala kung maisama sa adyenda ng mga pagpupulong ng gabinete ni Aquino ang tanong nating ito.

Kung ang partisipasyon ng mga sundalo ang isa sa pinakamahalagang sangkap para matanggal ang isang Pangulo, kung ang militar natin ngayon ay lubog sa nakakahiyang iskandalo, may nagtatanong ba kung ano ang naglalaro sa isipan ng pamunuan ng AFP ngayon?

Close pa rin ba ang AFP at si PNoy, wala bang ibang adyenda rin ang mga sundalo maliban sa sinumpaan nilang tungkulin na ipagtanggol ang nakaupong administrasyon ng pamahalaan?

Sigurado ba ang bayang Pilipinas na sa loob ng susunod na mga taon ng pagkapangulo ni Benigno Simeon C. Aquino III ay walang may balak na humadlang sa kanyang pagtahak sa sinasabi nyang tuwid na daan?

Mabuting hanapan ng agad na sagot at hanapan na ng solusyon kung meron nga bang pagtatangka sa kaligtasan ng administrasyong Aquino.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon.-Ariel Enrile-Inton

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply