Asawa ni Reyes di na ipatatawag sa Senado

TAHASANG sinabi kahapon ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na tuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa plea bargain agreement at korapsyon sa militar.

Gayunpaman, nilinaw ni Estrada na hindi na isasama si yumaong dating AFP Chief of Staff Angelo Reyes dahil sa patay na ito at tanging ang mga buhay na lang na sina Gen. Jacinto Ligot, Gen. Diomedio Villanueva at Gen. Roy Cimatu ang ipatatawag sa pagdinig hinggil sa pabaon issue.

Taliwas ito sa naging pahayag ni Senadora Miriam Defensor Santiago na hindi pa rin ligtas ang kaso ni Reyes dahil puwedeng ang pamilya nito ang managot kapag napatunayang nagkasala ito.

Kaya’t inaasahan na sa susunod na pagdinig, sina Cimatu at Villanueva naman ang gigisahin ng komite at ang mga sinabing pangalan ni Col. George Rabusa na executive assistants ng mga dating AFP chief of staff at umano’y mga bagman.

Sinabi pa ni Estrada na hindi rin makatatakas sa pagdinig ang asawa ni Ligot na sinasabing naglalabas ng pondo ng AFP at dinadala sa ibang bansa.

Umaasa ang senador na ang susunod na hearing ang huling pagdinig na kung saan sapat na ang imbestigasyon para makabuo ng committee report.

Gayundin, ayon kay Estrada, dapat nang bumuo ng isang panukalang batas para mareporma ang budget system sa AFP at bahala na ang Ombudsman at Justice Department na mag-prosecute.

Samantala, walang balak ang Malakanyang na payuhan ang mga senador at kongresista sa kung paano nila hahawakan ang isang committee hearing na hindi makasasakit ng damdamin ng tao na nauuwi sa pagpapatiwakal gaya ng nangyari kay Reyes.

Sinabi ni Deputy Presidential spokesperson Atty. Abigail Valte na hindi nila pwedeng pagsabihan o payuhan ang mga mambabatas dahil alam nila na ang isinasaga-wang pagdinig ay “in aid of legislation.”

Kaya nga, bahala na rin aniya ang mga mambabatas na magdesisyon kung dapat pa nilang gawin ang pagdinig “in public” o sa pribadong paraan.

Subalit, kung sila lang naman aniya ang masusunod ay nais nilang mabatid ng publiko kung ano ang nagaganap sa isang pagdinig lalo pa’t desidido ang mga mambabatas na ituloy ang imbestigasyon ng AFP fund scam.

Samantala, hindi naman humina ang kaso ni dating military comptroller Maj. Gen. Carlos F. Garcia dahil sa natuon ang pansin ng mga mambabatas na himayin ang AFP fund scam at pagpapatiwakal ni Gen. Reyes.

Inihayag naman ng liderato ng minorya ng Kamara na sumobra na ang ginagawang investigation “in aid of legislation” hinggil sa umano’y AFP scam.

Sa ginanap na regular na pulong balitaan ng minority sa Kamara, sinabi ni House Minority Floorleader at Albay Rep. Edcel Lagman na mas karapat-dapat ang judicial branch ang siyang magsagawa ng imbestigasyon at hindi ang legislative branch.

Hindi rin pabor ang lider ng oposisyon sa executive session dahil hindi ito uubra sa mata  ng media kung saan maging ang apat na sulok ng saradong room ay may mga tainga at bibig din.

Iminungkahi ni Lagman sa mga mambabatas na kung may malakas na ebidensya na magdidiin sa krimen, isampa na lang ito sa korte upang hindi na mabugbog sa “trial by publicity.”

Ayon naman kay Zambales Rep. Mitos Magsaysay, dapat na ring maghinay-hinay ang lahat sa mga imbestigasyon sa Kongreso.-Vicky Cervales,Kris JOse,Beth Aragon

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply