Shabu laboratory sa Malabon sinalakay

SINALAKAY ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Capital Region Police Office (NCRPO) at Northern Police District (NPD) ang isang shabu laboratory sa Brgy. Potrero  Malabon City, Biyernes ng umaga, Pebrero 4.

Sa nakalap na impormasyon mula kay NCRPO Director General Nicanor Bartolome, 7:45 ng umaga nang salakayin ng awtoridad ang isang bahay sa Unit 1 Silver Town Homes, Victoneta Avenue, Araneta Subdivision, Brgy. Potrero, nasabing lungsod.

Bagama’t walang nahuling tao sa loob ng shabu lab ay nakumpiska naman ng awtoridad ang milyong halaga ng finished product ng shabu, galon-galong kemikal at ilang kagamitan sa paggawa ng nasabing droga.

Napag-alaman na ang umuupa sa bahay na ginawang shabu lab ay isang Chinese national na nakilalang si Qiaggou Nian, kasama sa dalawang naaresto noong Pebrero 1, 2011 sa Caloocan City sa isinagawang buy-bust operation na nakumpiskahan ng 40 kilos ng shabu na umaabot sa P200 milyon ang halaga.

Nagawa ring maitago ng may-ari ng shabu lab ang kanilang operasyon sa loob ng bahay sa pamamagitan ng paglalagay ng makakapal na kurtina sa  mga bintana, habang sinelyuhan din ang mga puwedeng paglabasan ng amoy.

Ayon pa sa awtoridad, ilang araw na rin nilang minamanmanan ang labas ng bahay na ginawang shabu lab matapos maaresto si Nian at ang kasama nitong si Dave Go sa buy-bust operation.

Sinabi ni Bartolome na tuloy-tuloy ang kanilang gagawing operasyon laban sa sindikato na umano’y nagpapakalat na ng ipinagbabawal na droga sa Metro Manila at iba pang karatig na probinsiya na ikinaaresto ng  apat na sa miyembro ng mga ito. Roger Panizal/Photo by Roger Panizal/Nick Galino

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply