Marikina BIR ring namamapayagpag pa rin

SAMPAL sa kasalukuyang opisyales ng Bureau of Internal Revenues (BIR) na pinamumunuan ni Commissioner Kim Jacinto-Henares ang patuloy na pamamayagpag ng sindikato sa loob mismo ng kagawaran sa kabila ng inilulunsad na kampanya ng ahensya laban sa mga tiwaling tauhan nito.

Batay sa nakuhang impormasyon ng manunulat na ito, malalim ang motibo sa pagpatay kamakailan kay Revenue District Officer Marcelino Yap, RDO-45, Marikina City.

Si Yap ay pinagbabaril ng umano’y mga “hired killer” na inupahan ng mga sindikatong nakabase sa loob mismo ng kagawaran.

Ang napatay na BIR official ay apat na beses binaril sa ulo at katawan ng mga salarin habang ito ay naglalakad papunta sa kanyang opisina sa Marcos Highway, Antipolo City malapit sa Masinag Market.

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang salarin sakay ng isang motorsiklong minamaneho ng isang kasama nito.

Subalit di pa man sila nakakalayo ay binundol sila ng driver ni Yap, na humabol sa mga namaril gamit ang sasakyan ng biktima. Gayunpaman ay nakuha pa ring makatakas ng dalawa.

Narekober ng mga awtoridad ang motorsiklong ginamit sa krimen na inabandona ng dalawang suspek at kalaunan ay natunton ang may-ari ng motorsiklo na si Andy Cariño, na nagsabing hiniram ng kanyang tiyuhing si Armando “Manding” Cariño noong araw na maganap ang pagpatay kay Yap.

Lumabas sa imbestigasyon na ang suspek ay may kasong illegal possession of firearms sa Antipolo City na isinampa laban sa kanya noong Pebrero 27, 2008.

Ang drayber ng motorsiklo ay nakilala lamang sa pangalang “Lito,” na hinahanting pa ng pulisya.

Sa nakalap na impormasyon, tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na si Manding noong nakaraang linggo pa sa pamamagitan ng cell phone nito. Nang makatanggap ang mga pulis ng isang tip na ito ay nasa Timog ave. sa Quezon City ay agad pinuntahan ng mga awtoridad ang tinukoy na establisimyento.

Nang pasukin ito ng mga awtoridad, hindi natagpuan si Manding, ngunit naroroon ang ilang opisyal ng BIR bilang mga kostumer.

Dahil dito, nabuo ang isang teorya na ang ilang matataas na opisyal ng nasabing ahensya ng pamahalaan ang utak sa pagpatay kay Yap. Posible umanong may kinalaman sa kanyang trabaho bilang Revenue District Officer ng Marikina ang pagkakapatay kay Yap.

Maaari umanong may grupo sa loob ng BIR na humiling na “pagbigyan,” subalit tinanggihan ng biktima. Dahil dito, “tinrabaho” ang biktima ng mga sindikato.

Posible rin umanong may nasagasaan si Yap na isang “malaking tao” sa kanyang pagganap ng kanyang tungkulin bilang revenue district officer(RDO).

Kamakailan ay nanawagan ang iba’t ibang sektor sa mga kinauukulan na magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang alamin kung totoong may mga matataas na opisyal ng ahensya na matagal na sa puwesto ang nagsisilbing “protektor” sa mga tiwaling negosyante na hindi nagbabayad ng tamang buwis sa BIR.

Idinagdag pa na hindi sapat lamang ang paghahain ng kaso sa mga malalaking negosyanteng tax evader. Manapa, dapat walisin umano ang sindikato sa loob ng BIR at i-reshuffle ang mga opisyales na matatagal na sa puwesto kaya’t nang lumaon ay naging kasabwat na ng mga malalaking tax evader. Jun Ferrer

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply