Sino ang ‘itaas’ na tinutukoy ni Reyes?

HABANG dinudurog ng pagdadalamhati ang pamilya ni dating Armed Forces chief Angelo Reyes, namumuo naman sa utak ng mga mamamayan ang isang katanungan: Sino ang tinutukoy ng yumaong dating heneral na “Itaas” na may pakana ng talamak na katiwalian sa military?

Nitong huling dalawang linggo ng isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III, lumutang ang isang open letter ni Reyes na humihikayat kay Sen. Antonio Trillanes, IV na pangalanan ang sinumang nasa likod ni dating military comptroller ex-Gen. Carlos Garcia.

Sa pag-uungkat ng media, nabanggit ni Trillanes na isang dating kaklase o “mistah” niya sa Philippine Military Academy (PMA) ang personal na naghatid sa kanya ng isang liham ni Reyes na nailathala naman sa ilang pahayagan.

Nakasaad sa liham ni Reyes na may petsang “January 14, 2011” na nagsasabing tinukoy ni Trillanes ang  isang “powerful person” sa Malakanyang noon ang nasa likod ng pangungurakot ni Garcia sa pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular ang pagkupit sa pasahod at iba pang budgetary items ng militar.

Kabilang sa kinukupit ni Garcia ang pondong ibinabayad ng United Nations (UN) sa pagpapadala ng peacekeeping forces ng Pilipinas sa ibang bansa tulad ng East Timor na nagkakahalaga ng daang milyong piso.

“In the interest of truth, justice and fairness, I believe the good senator must now identify who this powerful person is. And knowing you to be a forthright and just person, I am confident that when you do name this powerful person, you would be able to substantiate the allegation,” giit ni Reyes sa kanyang liham.

Ngunit hanggang sa nakamatayan ni Reyes ang kanyang liham, hindi pa nasasagot ang ilang tanong sa kanyang kaisipan na siyang nagpapabagabag naman sa kamalayan ng mamamayan kung sino ang “powerful person” na kumokontrol kay Garcia.

Alam at napagtanto ni Trillanes na hindi si Reyes ang “powerful person” na iyon dahil inamin mismo ng kanyang “mistah” na “hindi kaya ni Boss” (Reyes) na ilantad ang sinasabing makapangyarihang taong nasa likod ng korapsyon.

“Ina-admit niya na may transaksyon daw galing sa taas na dumadaan sa kanya as secretary of National Defense, pero wala raw siyang kinukuha doon. Ngayon ang sagot ko sa kanya sabi ko ay kung ganyan ang sitwasyon ay aminin niya para maabswelto ang sarili. He was in a position to do that, kaso hindi niya po ginawa,” ayon kay Trillanes.

Hinala ni Trillanes na iligal ang mga binabanggit na transaksiyon na nanggagaling sa “itaas” kaya pikit-mata na lamang nitong (Reyes) inaaprubahan o sinasang-ayunan ang mga transaksyon.

“I presumed illegal iyon. Kaya ang sagot ko, ituro mo kung alam mo talaga kung sino,” giit ni Trillanes sa naghatid ng sulat.

Ngunit, tumanggi umano ang kanyang mistah sa mungkahi ng senador dahil hindi kakayanin ng dating DND chief na ilantad ang mga taong kumokontrol sa katiwalian sa AFP na tinawag niyang “itaas.”

“Sabi n’ya (mistah), ‘Sorry, hindi kayang gawin ng boss ko yun,’” ayon  kay Trillanes.

Sa puntong ito, lumilitaw na base sa espekulasyon ng ilang sektor dahil kung si Reyes ang siyang hepe ng Department of National Defense (DND) nang dumaan ang illegal transaksiyon sa kanyang tanggapan, siyempre, walang ibang tataas sa kanya kundi ang bise presidente at pangulo ng bansa na si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Nagtataka pa rin si Trillanes kung bakit isinama ni Reyes sa hukay ang nalalaman nitong iligal na transaksyon sa kabila ng katapangan na ipinamalas nito noong tumulong siyang patalsikin si dating Pangulong Joseph Estrada.

Nagsisilbi si Reyes bilang chief of staff ng AFP nang bumaklas kay Estrada saka sinuportahan ang pagkakaluklok kay Gloria Macapagal Arroyo sa tinaguriang Edsa Dos.

“Noong Edsa Dos, nilaglag din naman po niya si Erap eh, kumbaga kung sa palagay niya, tama naman talaga na gagawin. ‘Yan naman ang training namin sa PMA, kung nasa tama, ikanta mo,” giit pa ng senador.

May hawak na mahahalagang impormasyon si Trillanes, ngunit, aniya, kailangan pang ipunin at patibayin ang mga dokumento upang tumibay ang ebidensiyang ihahain sa mga susunod na imbestigasyon na siyang magtutukoy sa pagkakakilanlan ng “Itaas.”

“May mga hints ako, pero hindi pa tayo ready dahil may mga taong nagbubuo ng kaso. Kaya hintayin na lang natin,” pagtatapos ng senador. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply