Spy ka rin ba?

NAIMBITAHAN ako sa binyag ng anak na lalaki ng kaibigan ko noong isang Linggo.  Sabi ng  kumpare ko sana maging sundalo at heneral ang anak nya paglaki para maging milyonaryo na sila.

Biro siguro pero hindi ko minsan lang narinig noong isang linggo ang komentong iyon. Isang dating Congressman ang nagsabi din na pumapasok sa military school ang kabataan para sa isang stable financial future na may kapangyarihan pa kaysa dahil sa pagmamahal sa bayan o love of country.

Sa bansang katulad ng Amerika, pinakamarangal at pinagkakapuri ang maging isang sundalo at magsilbi sa kanilang sandatahang lakas. Malaki ang paghanga at pagtingala ng mga Amerikano sa mga nagsilbi sa militar lalo yung mga sumabak sa giyera sa pagtatanggol sa bansang Amerika.

Sa mga balitang sumabog nitong mga nakaraang araw, kung saan ibinunyag ni dating Commission on Audit (COA) Auditor Heidi Mendoza ang detalye tungkol sa pagiging “lucrative position” ng isang heneral sa sandatahang lakas ng Pilipinas na isang mahirap na bansa.

Sa dami ng mga perks at bonuses na nakukuha ng isang Pilipinong heneral, masasabing ang maging Hepe ng AFP ay isang kapakipakinabang na pwesto sa gobyerno.  Sabi sa isang balita na nabasa ko, nakakahiya daw para kay Pangulong Noynoy Aquino at sa kanyang administrasyon kapag walang nakulong, nanagot at naparusahan tungkol sa mga naisiwalat na baho at kabulukan sa AFP.

Pero ang mas masama pa kaysa sa dulot na kahihiyan sa pamahalaan ay ang dulot na mababang moral sa ating mga sundalo, lalo yung mga nasa bundok na ang buhay ay laging may nakaambang panganib.

Ang mga ordinaryong sundalong Pilipino na minsan ang problema lang ay sapatos pang bundok, uniform at holiday breaks para makasama ang pamilya. Isipin na lang kung ano ang nararamdaman nila ngayon na pinaguusapan sa Kongreso ang milyun-milyong piso na  “pabaon at pasalubong”  na tinatamasa ng mga opisyal sa AFP, at pati na rin ng asawa at  mga anak ng mga heneral nila.

So, how do we solve a problem like the AFP? Sa larong Games of the Generals, isang educational board game na naimbento ng Pilipinong si Sofronio H. Pasola, Jr.,  isang pyesa lang ang pwedeng tumalo sa pyesa ng heneral. Ito ang “spy”.

Malakas ang pyesa ng spy sa larong ito at pwedeng makapagpanalo ng laro kung saan ang unang makapagdala ng pyesang flag sa kabilang kampo ang panalo. Pwedeng ituring na “spy” si Heidi Mendoza sa kampanya ng bansa laban sa korapsyon. Sya ang pyesa na makakapagpabagsak sa kalabang heneral.

Pero kaya ba ni Heidi ang laban ng mag-isa lang? Alam natin na ang sakit ng korapsyon ay kasingtanda pa ng mga kastilang unang sumakop sa atin. Hindi lang dapat mag-isa si Heidi. Dapat lahat tayo ay maging Heidi Mendoza.

Si Heidi bilang isang malakas na pyesang spy sa Games of the General, dapat tayo din. Kung isang spy ang makakapagpabagsak sa isang abusado at tiwaling heneral, dapat maging spy na tayong lahat.

Mag-email po kayo sa akin sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin ang inyong opinyon sa usaping ito.
Ariel Enrile-Inton

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply