Suplay ng sibuyas sa Pilipinas kapos —DA

UMAABOT sa 70,000 hanggang 80,000 tonelada ang kakulangan sa suplay ng sibuyas sa bansa, ayon mismo sa Department of Agriculture (DA) na nagsabing mabigat ang sitwasyong kinakaharap ng nabanggit na industriya ngayon.

“This is the challenge that we have to surmount,” ani Director Dante Delima, national coordinator ng high value crops development program (HVCDP) sa ginanap na stakeholders’ forum ng mga magsisibuyas sa tanggapan ng nabanggit na kagawaran sa lungsod ng Quezon.

Ang kakulangan sa suplay ang idinadahilan ng gobyerno kung bakit mataas ang presyo ng sibuyas sa kasalukuyan.

Ayon pa kay Delima, ang malaking hamon na ito ay kailangang tugunan ng gobyerno para mapanatiling matatag ang presyo ng sibuyas lalo na kapag sumasapit ang off season o yung mga buwan ng Nobyembre, Disyembre at Enero.

Aniya, ang pangunahing nais nila ngayon ay makalikha ng mga estratehiya na makakapag-produce ng sapat na sibuyas kapag off season sa Central Luzon, partikular sa Nueva Ecija.

Para sa panig ng mga magbubukid, ang maaaring pagmulan ng produksyon kapag off season ay ang mga probinsiya ng Occidental Mindoro, Isabela at General Santos City sa Mindanao.

Idinagdag naman ni Delima na upang malampasan ang kakulangan sa supply, dapat ay nasa 500 hanggang 700 ektarya ng lupain ang matamnan ng sibuyas sa ibang potensiyal na rehiyon sa buwan ng Marso hanggang Hulyo upang maani ito sa buwan ng Nobyembre ngayong 2011 hanggang Enero ng susunod na taon.

Nagkasundo naman ang DA at ang mga magsasaka at mangangalakal ng sibuyas na bumuo ng coordinating body para maisaayos ang koordinasyon sa pagtatanim, pagbebenta at presyuhan ng sibuyas sa merkado.

Naglaan na rin ng P25 milyon ang DA para mapondohan ang mga programa sa spices tulad ng sibuyas.

Ang P18 milyong bahagi nito ay naibaba na sa iba’t ibang rehiyon. Robert C. Ticzon

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply