Suplay ng tubig ng NIA tinaasan ng NWRB

DAHIL sa pag-angat ng antas ng tubig sa Angat dam at sa probinsiya ng Bulacan, sinimulan na ng National Water Resources Board (NWRB) ang pagdagdag sa suplay ng tubig ng National Irrigation Administration (NIA) para makatulong sa pagpapataas ng produksyong pansakahan sa susunod na buwan.

Nabatid kay Engr. Jorge Estioko, hepe ng Monitoring and Enforcement Division ng NWRB, nagdesisyon silang taasan ang alokasyon sa tubig ng NIA ng hanggang 201.15 metro na normal na para sa ganitong mga buwan ng taon.

Ipinaliwanag ni Estioko na tumaas ang level ng tubig sa Angat dam at sa Bulacan dahil nagkaroon ng artipisyal at natural na pag-ulan sa watershed buhat pa noong Enero.

Idinagdag pa ni Estioko na alam nilang tama ang NIA nang ihayag na malaking tulong ang karagdagang tubig sa mga sakahan upang mapataas ang produksyong pang-agrikultura sa susunod na buwan.

Ang NIA ang nagsusuplay ng tubig sa irigasyon ng may 19,000 ektaryang sakahan sa Bulacan at Pampanga.

Itinaas ng 35 kubikong metro kada segundo mula sa 32 kubikong metro kada segundo ang alokasyon ng tubig ng NIA.

Ngunit, kung itinaas ang alokasyon ng tubig ng NIA, nananatili naman ang 39 kubikong metro kada segundo na alokasyon ng tubig para sa mga residente ng kalunsuran.

Magiging epektibo ang pagbabago sa alokasyon ng tubig hanggang Pebrero 28, ayon kay Estioko.

Noong nakaraang buwan, nabawasan ang alokasyon ng tubig sa mga kabahayan sa Metro Manila dahil mula sa 46 kubikong metro kada segundo, ginawa na lamang itong 39 kubikong metro kada segundo habang mula sa 36 kubikong metro kada segundo ay naging 32 kubikong metro naman ang alokasyon sa mga sakahan. Robert C. Ticzon

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply