Suporta kay Mendoza bumuhos

BUMUHOS ang suporta kay dating Commission on Audit (COA) state auditor Heidi Mendoza matapos humarap sa Kamara at ilabas ang nalalaman tungkol sa katiwalian sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Umaabot sa 20 obispo mula sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang nagpahayag ng manifesto of support para kay Mendoza.

Kabilang sa mga signatories sa manifesto ay sina Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, Auxiliary Bishops Broderick Pabillo at Bernardino Cortez ng Manila, Gerardo Alminaza ng Jaro, Jose Colin Bagaforo ng Cotabato, at Bishops Romulo dela Cruz ng Kidapawan, maging sina Edgardo Juanich ng Taytay, Emmanuel Trance ng Catarman, Artemio Rillera ng La Union, San Fernando Auxiliary Bishop Roberto Mallari, Bishops Joseph Nacua ng Ilagan, Bishop Rolando Tirona ng Infanta, Marlo Peralta ng Alaminos, Crispin Varquez ng Borongan, Martin Jumoad ng Basilan, Joel Baylon ng Legaspi, Deogracias Iñiguez ng Caloocan, Antonio Tobias ng Novaliches, Arturo Bastes ng Sorsogon, Rodolfo Beltran mula sa Bontoc-Lagawe.

Maging sa mga internet, social networking sites tulad ng Twitter at iba pa ay trending topic worldwide si Mendoza.

Nangunguna rin sa popular search engine na Yahoo ang pangalan ni Heidi matapos ang ginawang pagtestigo sa House committee on justice.

Naging emosyunal ang apela ni Mendoza sa Kamara na tiyakin ang kanyang seguridad lalo na ang kanyang pamilya.

Giit ni Mendoza, na isang reserved officer na may ranggong lieutenant colonel, ang kanyang paglantad ay lalong nagdulot ng panganib sa kanyang buhay lalo na sa kanyang pamilya.

Nanawagan din ito na sana ay walang mangyari sa kanyang anak na ang isa rito ay nagka-trauma na.

Inamin naman ni Mendoza na siya ay nag-resign na sa Asian Development Bank epektibo nitong nakalipas na Enero at ngayon siya ay jobless na.

Ayon pa kay Mendoza, pumayag siya na magsalita sa kanyang mga natuklasan alang-alang sa bayan.

Samantala, inilunsad naman Miyerkules ng umaga sa Maynila ang Piso para sa katotohanan, or ‘peso for the heroine’ bilang tulong pinansiyal sa bagong bayani na lumutang sa isinagawang congressional inquiry hinggil sa graft and corruption sa AFP.

Opisyal na pinasimulan ni Manila Mayor Alfredo s Lim ang fund raising campaign para matulungan si Mendoza na naataang magsiyasat sa kaso ni dating Gen Carlos Garcia, inaakusahang nagkamal ng mahigit P300 milyon sa kanyang panahon bilang AFP Comptroller. Gwenn Salamida/Verlin Cruz

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login