Fare hike sa bus inihirit sa LTFRB

MATAPOS maipatupad ang fare increase sa mga pampasaherong jeep, humirit din ng karagdagang singil sa pasahe ang Metro Manila buses.

Kinumpirma ito kahapon ni Atty. Manuel Iway, isa sa mga board members ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Iway, nagsasagawa na sila ng public consultation at masusi nilang binubusisi ang inihaing petisyon dahil na rin sa mataas na hinihinging fare hike ng Metro Manila Bus Operators Associations (MMBOA).

Sa official petition of fare hike na isinampa ng MMBOA, nais nilang gawing P14.00 ang minimum fare sa ordinary bus mula a kasalukuyang P9.00 at itaas sa P2.55 ang dagdag kada kilometro mula sa P1.85.

Inihihirit naman sa P17.00 ang minimum sa may air condition mula sa dating P11.00 at dagdag na P2.90 kada kilometro mula a dating P1.90.

Binatikos naman ng grupong Public Commuters and Private Motorists Alliance (PCPMA) ang LTFRB dahil sa isang beses lamang umano ito kung magsagawa ng public hearing kaugnay sa fare hike sa bus.

Sinabi ni Ysabel Nabong, spokesperson ng PCPMA, hindi makatarungan ang isang beses na public hearing lamang kahit na imbitado pa ang lahat ng sector tulad ng Office of the Solicitor General, bus operators, commuters seniors citizens, students at iba pang grupo na apektado ng fare hike.

Dagdag pa ni Nabong, dapat na maging malinaw ang stand ng LTFRB kung sino ang papaboran nito — ang publiko ba o ang mga negosyanteng bus operator.

Matatandaan na inaprubahan ng LTFRB ang P1.00 dagdag-pasahe sa jeepney noong Lunes, Enero 31, ng hapon. Alex Ching

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply