Taas pasahe sa LRT, MRT hindi tuloy

HINDI na matutuloy ang nakaambang pagtataas ng pasahe sa Marso 1 sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) dahil kailangan muna umanong ikunsulta sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang provisional fare hike na isinusulong ng Department of Transportation and Communication (DOTC).

Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, spokesperson at Corporate Board Secretary ng Light Rail Transit Authority (LRTA), ipinagpaliban ng LRTA Board ang nakatakda sanang implementasyon ng fare increase sa LRT Line 1 & Line 2 at MRT 3 sa unang araw ng Marso para bigyang-daan ang gagawin nilang konsultasyon sa LTFRB.

Sa panayam kay Cabrera sa telepono, bagama’t desidido na ang board na ipatupad ang naaprubahang taas-pasahe noong Huwebes, kailangang konsultahin muna nila ang LTFRB bago ang implementasyon nito.

“No LTFRB approval. Ang requirement lang ay consultation with LTFRB and proper publications,” anang text message ni Cabrera.

Aniya, sa ilalim ng charter ng LRTA, tanging rekomendasyon ng taas-pasahe ang magagawa nila na kailangan munang dumaan sa konsultahin sa LTFRB bago ipatupad ang anumang fare adjustment sa tatlong tren sa Metro Manila . Kailangan din umanong ilathala ang anunsyo ng taas-pasahe sa mga pahayagan ng 15 araw bago ang nasabing implementasyon.

Nauna nang nag-anunsyo ng provisional fare increase sa LRT at MRT sa Marso 1 ang DOTC na mahirap nang mangyari sa ngayon. Tumanggi naman si Cabrera na magbigay ng petsa kung kailan ito maaaring ipatupad. Batay umano ito sa tagal ng panahon ng konsultasyon sa LTFRB.

Sa ilalim ng bagong fare rate, ang mga pasahero ng LRT Line 1 & Line 2 at MRT 3 ay magbabayad ng P11 boarding fee habang karagdagang P1 naman sa bawat kilometro. Ang diretsong biyahe ng LRT Line 1 na may distansyang 20-kilometro, mula Baclaran hanggang Roosevelt Ave. , ay may pasaheng P30 (maximum); samantalang sa LRT Line 2 na may distansyang 14-kilometro, mula santolan hanggang Recto, ay P25 (maximum).

Ang mga single-journey tickets ay mabibili sa denominasyong P15, P20, at P30. mabibili naman ang stored-value tickets sa halagang P100 at tiniyak na magagamit ng pasahero ang kabuuang halaga nito. Jun Ferrer

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply