Talento ng anak tuklasin, hubugin

NAPAPANSIN mo ba na interesado sa isang bagay ang anak mo? O kaya ay nabibingi ka ba sa boses ni junior o ni nene mo kapag kumakanta siya? Nag-aalala ka ba kung nababali niya ang kanyang mga paa, baywang at iba pang parte ng katawan kapag sumasayaw? Interesado ba siya kapag nagluluto ka habang tinititigan ka niya at panay ang pagtatanong kung paano niluluto ang mga pagkian?

Malay mo may Charice Pempengco ka na in the making o kaya ay chef Rosebuds in the future? Baka magulat ka na lang at makalipas ang 10 hanggang 20 taon ay mayroon na kayong sariling restawran na ang master chef ay ang anak mo. O kaya naman ay sikat na singer o magaling na artista sa pelikula at telebisyon.

Bilang magulang,  dapat alamin mo ang mga bagay na gusto ng anak mo. Obligasyon mong alamin at i-develop o tulungan siyang hubugin ang mga bagay na nakikita natin sa mga anak na may potensiyal sa hinaharap.   Malay mo ang mga ito na pala ang hidden talents ng anak mo.

Lahat  tayo ay  ipinanganak na may kaniya-kaniyang talento. Ang mga talentong ito ay magagamit ng tao sa kanilang paglaki. Maaaring ito ang kanilang maging karera o kaya naman ay maging daan sa tagumpay nila.

Sa murang edad ng bata, kapansin-pansin na ang mga bagay na kinahihiligan nila. Maaaring nakahihiligan niya ang umawit, sumayaw, gumuhit, umarte at iba pa. Kapag ang mga hilig na ito ay ganap na maihubog  maaaring ito na ang kanilang maging talento. Pero may mga bata talaga na habang bata pa lang ay nag-aangkin na ng talento.  ‘Yun bang tipong dalawang taon pa lang ay talagang naka-aawit  na ng buo at kumpleto ang ang lyrics ng kanta; o kaya’y nakakapag-drawing na at naipapaliwanag ang kaniyang subject.

Makikita mo habang lumalaki sila ay unti-unting nag-dedevelop ang kanilnag talent.  Papel naman bilang isang magulang  ang gabayan, suportahan at hasain ito.

Alamin ang hilig ng bata

1. Isali siya sa  group activities  sa barangay o komunidad at hayaang mag-enjoy siya dito.   May mga barangay na nagbibigay ng libreng  trainings  sa iba’t ibang edad sa iba’t ibang larangan, may sports, arts, drama at kung anu-ano pa. Dapat lang marunong kang  mag-research.  Makatutulong ang  internet, magtiyaga ka lang sa paghahanap.

2. Para naman sa mga bata (toddlers)… mayroong fast food chains na nag-o-offer ng workshops na may  membership para maka-avail ng discounted training promos.

3. Huwag silang piltin na salihan ang isang workshop na hindi sila interesado. Hindi sila magiging masaya sa isang ‘field’ na sa akala nila ay hindi sila mag-e-enjoy.  Hayaan din siyang pumili ng mga sasalihang activities na talagang gusto at interesado siya. Depende din ang bagay na ito sa edad ng anak.

4. Ibili o regaluhan ang anak ng mga gamit o makabuluhang laruan (educational materials)  at ginagamit sa kanyang hubby. Hayaan na gamitin nila ito. Halimbawa magaling sa arts ang iyong anak ay ibili siya ng isang set ng color pencils na maaari niyang magamit sa pagguhit. O kaya naman ay gitara kung nakita mong hilig niya ito.

5. Linawin  sa anak ang gusto, upang hindi masayang ang perang igugugol sa pambili ng bagay na maaaring maka-develop sa kanyang talento.

Sa pamamagitan ng mga tips na ito ay malalaman mo na kung saang activity siya magaling at nahihilig.  Kailangan mo na lang siyang gabayan at hubugin ito.

Pagde-develop sa kanilang talento

Para maging mahusay sa isang larangan ang anak mo, kailangan ang mga sumusunod:

1. Maging bukas ang isip. Bilang magulang ikaw dapat ang unang makauunawa sa lahat ng bagay.   Huwag pilitin ang anak sa hindi nila gusto at sa bagay na hindi sila magaling. Kapag pilit ang isang
bagay kadalasang hindi ito nade-develop.

Tandaan na hindi lahat ng gusto mo ay gusto rin ng anak mo, o kung ayaw mo ay ayaw ng anak mo. May mga talento mang namamana ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay ito rin ang nananisin ng mga anak.

2. Be supportive. Suportahan ang kanyang ginagawa. Kung wala namang naaapektuhang bagay sa ginagawa niya gaya ng pag-aaral at pag-uugali, dapat na huwag siyang pigilan bagkus ay alalayan. Laging ipakita ang 100 porsiyentong suporta.

3. Pasalihin siya sa mga workshop na may mataas na level. Dito ay magkakaroon ng proper training ang anak mo. Kung may pera rin lang huwag panghinayangan ang gagastusin para dito.  Sa huli, higit pa isa naasahan ang magiging kapalit nito.  Kung wala naman,  maraming scholarships na ibinibigay ang ilang training centers  o eskwelahan.

4. Eetablish good communication. Mahalaga ito para sa para mamonitor mo ang anak mo sa kanyang ginagawa. Kung may maayos kayong komunikasyon,  mapapayuhan mo pa ang iyong  anak ukol  sa kanyang ginagawa. Makipagkwentuhan sa kanya. Kaya dapat na mayroon ka ding  alam para maintindihan mo ang kanyang ginagawa at makapagbibigay ka pa ng mga tips para ma-improve niya ang kanyang talento.

5. Edukasyon muna. Ipaliwanag na dapat  maging prayoridad sa lahat ang kaniyang pag-aaral. Suportahan ang anak ngunit mag-set ng limitasyon  para hindi maaapektuhan ang pag-aaral.  Kung ang talento mismo ang pinag-aaralan ay imonitor ito.

Mainam na habang bata ay mahasa na ang talento ng anak. Malaki ang papel na ginagampanan ng magulang sa bagay na ito. Suporta ng magulang at pamilya, limitasyon, pagpupursige at walang humpay na pagsasanay at pag-aaral ang kailangan para maging mahusay sa isang larangan.

Ang mga talento ng anak ay hindi dapat binabalewala,  dahil bahagi ito ng kanyang pagkatao na maaaring magpa-unlad sa kanya pagdating ng panahon.

*****

Educational TV

ANG educational television o e-TV ay isa sa magandang nalikha sa larangan ng broadcast sa TV. Dito, ginagamit ang TV bilang instrumento sa pagtuturo sa mga mag-aaral ng mga akademikong asignatura sa paraang audio-visual presentation.

Kaya sa mga magulang, makabubuting dito ninyo patutukin ang mga anak kapag walang pasok dahil makatutulong ito sa kanilang araw-araw na pag-aaral.  Mas makapagbibigay ito ng ‘values’ na magagamit habang sila’y lumalaki kesa sa mga TV shows na magdudulot lamang ng pagiging bayolente ng bata paglaki.

Ilan sa mga sumikat na e-TV

1. Batibot– Programang pambata na nagtuturo ng basic learning gaya ng pagbibilang, pagbigkas ng alpabeto at mga tamang pag-uugali.
2.Sineskwela-Isang progrma na nagtuturo ng science subject sa elementarya at high school.
3. Mathinik – isang programang nagtuturo ng Mathematics.
4. Bayani– isang programa na nagpapalabas ng mga buhay ng bayaning Filipino na bahagi ng ating makulay na kasaysayan at kultura.
5. Hirayamanawari-Programang nagtuturo ng mga kagandahang asal at Filipino values na mahalaga sa ating kultura.
6.Salamat Dok, RX Men-Mga programang nagbibigay impormasyon ukol sa usaping pangkalusugan.

Marami pang e-TV ang buhay ngayon ngunit ilan sa mga ito ay wala na sa telebisyon. Sa panahon na sumikat ang mga nabanggit na programa ay umani ang mga ito ng magagandang feedbacks mula sa mga estudyante gayundin sa mga magulang. Ito ang naging dahilan kung bakit nag-uwi ng ilang parangal ang mga programang ito.

Nagiging tulong ito sa mga kabataang mag-aaral. At sa kadahilanang audio-visual presentation ito ay hindi ito boring para sa mga mag-aaral. Bukod sa isa itong entertainment venue ay natutto pa ang mga bata.

Sa ngayon, ang ilang palabas gaya ng Sineskwela at Mathinik ay nasa DVD at VCD na kaya naipapalabas pa rin ito sa ilang pampublikong eskwelahan sa Pilipinas sa kabila na wala na ito sa ere.

Maganda ang ideya ng e-TV sapagkat nagiging makabuluhan ang gamit ng telebisyon dahil sa ngayon ay kakaunti na lamang ang ganitong palabas. Nagiging libangan na lamang ang telebisyon ngayon na maaari namang mapakinabangan ng mga mag-aaral.

Kung maraming ganitong programa sa telebisyon ay maaari pang magkaroon ang mga out of school youth na talagang hindi mapag-aral ng kanilang magulang ng mga panoorin sa bahay na makatuturan. Hindi man ito sapat ay makatutulong pa rin sa kanila. Bineza Zapanta

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply