Tama ba ang EDSA?

ISA ako sa milyun-milyong taong nagpunta sa EDSA noong 1986. Naalala ko na nasa grupo ako ni Butz Aquino at sa Isetann sa Cubao kami nagkita-kita bago kami nag martsa papuntang EDSA.

Nung unang gabi ay napakanipis pa ng tao pero unti-unti ay dumami, unti-unti ay kumapal, at unti-unti nga ay naging isang kwento ang Epifanio delos Santos Avenue o ang EDSA na ang dating tawag ay Highway 54, isang kwento ng pagkakaisa ng isang sambayanan, isang parte ng kasaysayan na hanggang ngayon, makalipas ng 25 taon, ay pinaguusapan, sinasariwa at ina-analisa ng mga eksperto sa pulitika.

Pero may mga tanong na ngayon – binuo ba tayo o hinati ng EDSA? Natupad ba ng EDSA ang pangako nito sa Pilipino? Pinalaya ba tayo ng EDSA sa kuko ng korapsyon at dahil ba sa EDSA ay may mga lider tayo ngayon na pawang mararangal at matatatag ang paninindigan at pawang mga kampeon ng tanging kapakanan ng Pilipino?

Nakalulungkot na marahil ay iba’t iba ang magiging sagot ng bawat isa sa atin sa mga tanong na ito. Sa sagot tungkol sa tanong ng resulta ng EDSA sa buhay ng Pinoy ngayon marahil ay hindi tayo buo kundi hati-hati.

Para sa akin may isang tanong na kaya kong tapatang sagutin – kung maibabalik ka sa panahon na iyon ng Pebrero 1986, pupunta ka ba sa EDSA? Gagawin mo ba ang ginawa mo na may kinalaman sa EDSA? Uulitin mo pa ba ang ginawa mong pagpapakita ng paninindigan noong mga araw na iyon sa EDSA?

Ang sagot ay oo.

Para sa akin, ang karanasan ng EDSA ay karanasan ng pagtindig para sa
katarungan.

Alam kong hindi tayo nagkamali kung ang dahilan ng pagpunta natin noon sa EDSA ay para protektahan ang mga sundalo na piniling kumampi sa taong bayan laban sa mga sundalong patuloy na sumusunod sa isang matandang diktador.  Alam kong hindi tayo nagkamali kung ang dahilan ng pagpunta natin sa EDSA noon ay para patunayan na posible ang mag-aklas na walang karahasan.

Marami ang tama at dapat lang na naging bunga ang EDSA.  Marami ding mali, tulad na lang halimbawa ng patuloy na korapsyon na nagpapalipat-lipat lang ng kamay.

Hindi ba’t ang kinalaban ng EDSA ay korapsyon at pag-abuso sa karapatang pantao? Hindi ba’t ang pangako ng EDSA ay kaunlaran at paghulagpos sa kahirapan?

Bigo ang EDSA dito. Pero noong panahon na iyon, sa aking kabataaan, wala nang tatama pa sa EDSA.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com.
Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon
.-Ariel Enrile-Inton

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply