Tamang grupo ang dapat kausapin sa peace talk – Honasan

NAGBABALA si Sen. Gregorio “Gringo” Honasan na magkakaroon ng “major major problem” na kakaharapin ang administrasyong Aquino kapag nagkamali sa pagpili ng paksiyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagpapatuloy ng peace talks.

Ayon kay Honasan, chairman ng Senate committee on public order and illegal drugs, kailangang “major faction” sa MILF ang kakausapin ng government peace panel upang matiyak na kontrolado ng pamahalaan ang sitwasyon sa Mindanao.

“Tamang grupo ang dapat kausapin. Kapag minority ang nakuha natin sa peace talks, magkakaroon ng giyera diyan,” babala ng senador.

Nauna nang inamin ni MILF chairman Murad Ebrahim na nagkaroon ng “major split” ang MILF at bumuo ng sariling grupo si Commander Ameril Umbrakato tangay ang ilang libong mandirigma.

Tiwala naman si Honasan na hindi magiging hadlang sa usapang pangkapayapaan ang pagkahati ng MILF na magsisimula ngayong Miyerkules sa bansang Malaysia.

“Ang importante lang talaga diyan, yung tamang grupo ang kausap ng gobyerno,”giit ng senador.

Idinagdag pa nito na oras na magkasundo ang dalawang grupo (gobyerno at MILF), dapat tumulong ang MILF sa pakikipaglaban sa grupo ni Kumander Umbrakato.

“Upakan natin, mag-joint operation tayo,”hirit ng senador.

Ang MILF ay anak lamang ng Moro National Liberation Front(MNLF) matapos na kumalas noong 1978. Lumagda sa peace agreement ang MNLF noong 1996, pero hindi natigil ang kaguluhan sa Mindanao dahil ang MILF naman ang nakikipaglaban sa gobyerno.

“Kailangan na talaga nating magkaroon ng peace accord sa MILF, kung wala nito, walang economic progress sa Mindanao,” ani Honasan.  Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply