Tatlong dikit na talo sa Lakers

MULING nagmaktol si Kobe Bryant matapos malista ng Los Angeles Lakers ang ikatlong dikit na talo sa nagaganap na 2010-11 National Basketball Association regular season.

Sa nakaraan nilang laro ay hindi nagtagal si Bryant sa locker room at umalis agad ito upang tumungo sa bus na kanilang sasakyan pauwi nang matalo sila sa Charlotte Bobcats.

Noong Miyerkules ng gabi (Huwebes ng umaga, Pebrero 17, sa Pilipinas) ay naulit ang pangyayari matapos silang lumuhod sa kulelat na Cleveland Cavaliers sa iskor na 99-104.

“It’s a painful, painful loss,” malungkot na saad ni Lakers center Pau Gasol na nagtala ng 30 points at 20 rebounds. “It’s very disappointing. I don’t understand it.”

Nagmamadaling kinuha ni Bryant ang kanyang backpack sa locker room at walang sabi-sabing umalis sa Quicken Loans Arena matapos marinig ang final buzzer.

Wala na ring nasabi ni Lakers coach Phil Jackson sa kanyang mga bataan matapos ang laro kundi ang oras ng kanilang ensayo sa Lunes.

“I think they took the break before the game started,” ani Jackson.

Ayon sa mga basketball analyst ang talo nila sa Orlando Magic, ang 20 puntos na tambak sa kanila ng Charlotte Bobcats at ang talo nila sa pinakamahinang team na Cavs ay dahilan para mabahala na ang Lakers.

“It’s back to the drawing board,” sabi ni Lamar Odom.  “Defense. Cohesiveness. Our chemistry on offense. I’m not that worried. I think they are things we can fix.”

Si Ramon Sessions ang nanguna sa Cavs sa itinalang 32 points habang pumangalawa si Antawn Jamison na gumawa ng 19 puntos, 10 boards at dalawang assists.

Samantala, sa ibang NBA resulta, patuloy ang pamamaso ng Miami Heat matapos manalo sa Toronto Raptors, 103-95, habang kinalas ng Boston Celtics ang New Jersey Nets, 94-80. Elech Dawa

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply