TG walang patol sa pasabog ni Ping

AYAW patulan ni Sen. Teofisto “TG” Guingona, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang panawagan ng nagtatagong si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na isama sa iniimbestigahang kurakutan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang anomalya sa paggamit ng pondo ng Philippine National Police (PNP).

Nanindigan si Guingona na kailangang may senador na maghain ng resolusyon upang maimbestigahan ang rebelasyon ni Lacson na may taunang P40-milyon payola na tinatanggap ang PNP chief, bukod sa mataas na limit sa credit card at gas allowance na kayang magpatakbo sa 50 sasakyan.

“Kailangang may resolution muna,” pagdidiin ng senador.

Kahit na may maghain ng resolusyon hinggil dito, sinabi ni Guingona na hindi niya ito ihahalo sa imbestigasyon nila sa kontrobersyal na plea bargain agreement ni dating AFP comptroller Maj. Gen. Carlos Garcia at sa pabaon, pasalubong at payola system ng AFP.

Aniya, magugulo ang imbestigasyon nila sa kurakutan sa AFP kung ihahalo ang isyu ng PNP kung kayat mas makabubuting tapusin muna nila ang kanilang naumpisahan bago tumalon sa pasabog ni Lacson.

“We will end first this chapter sa military corruption,”ani Guingona.  Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply