Trailer vans puwede na sa Sucat-Alabang Skyway

BILANG pagtupad sa tungkulin na magbigay ng serbisyong de-kalidad sa mga motorista, palagiang isinasaayos at kinukumpuni ng Skyway O&M Corporation (SOMCO), tagapamahala ng Skyway System, ang mga pasilidad ng tollway.

Sa kasalukuyan, muling naglalagay ng lane markings ang SOMCO sa mga bahagi ng Skyway elevated at at-grade section upang muling mapagmukhang bago ang solid at broken lines sa mga kalsada matapos ang pagsasaayos ng aspalto noong Nobyembre at Disyembre 2010.

Muli ring pinipinturahan ang mga toll lane chevron sa mga toll plaza ng Skyway at pinapalitan ang mga sira o lumang bakod at guardrails ng tollway.

Naghahanda ang SOMCO na magpapagawa ng monitoring center at magkakabit ng mga CCTV cameras sa kahabaan ng Skyway System para sa kapakanan ng mga motorista.

Alinsunod sa “Safety First” policy nito, ang mga regular na pagkukumpuni ay ginagawa ng SOMCO mula alas- 10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga kung kailan higit na magaan ang trapiko sa Skyway.

Samantala, tiwala ang SOMCO at ang Citra Metro Manila Tollways Corporation, developer ng Skyway, sa pagsulong ng trabaho sa Skyway Stage 2 mula Sucat hanggang Alabang matapos makongkreto ang mahahabang pierhead na susuporta sa Main Toll Plaza.

Kaugnay nito, inalis na rin ang mga steel framework na sumuporta sa istruktura ng mga pierhead habang binubuo ang mga ito. Dahil dito, naibalik na ang vertical clearance sa bahaging Sucat-Alabang sa itinakdang limang metro, na pansamantalang ibinaba sa 4.27 metro.

Pinapayagan na muli ng SOMCO ang mga trailer van na may taas na hindi hihigit sa 5 metro na dumaas sa nasabing bahagi ng tollway.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng drainage system sa pagitan ng Sucat at Alabang na kinailangan magsara ng leftmost lane sa southbound direction mula sa Sucat SB Entry Plaza sa Skyway Column 96 Column 111.

Maaaring tumawag ang mga motorista sa Skyway hotline 776-777 para sa anumang hindi inaasahang pangyayari at emergency habang bumabiyahe sa loob ng tollway.

Samantala, puspusan ang pagtatrabaho ng CMMTC para matapos ang extension ng Skyway patungong Alabang bago ang Mayo 2011 upang matamasa na ng mga motorista ang ginhawa ng 12-minutong biyahe mula sa Alabang hanggang Makati. RT

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply