Trillanes: Gloria nasa likod ng black propa laban sa akin

TAHASANG inginuso Biyernes, Pebrero 11 ni Sen. Antonio Trillanes, IV si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na nasa likod ng black propaganda laban sa kanya upang siya ang mapagbuntunan ng sisi sa pagkamatay ni dating Armed Forces chief Angelo Reyes.

Nagbanta si Trillanes na hahalukayin niya ang mga detalye ng sinasabing pakikipag-usap ni Arroyo kay Reyes bago ito nagpatiwakal.

Posible umanong may kinalaman ang nasabing pag-uusap nina Arroyo at Reyes kaya nagdesisyon ang huli na wakasan ang kanyang buhay.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Trillanes na tila siya ang pinagbubuntunan ng sisi sa nangyari kay Reyes samantalang tumutupad lamang naman siya sa kanyang tungkulin sa taumbayan bilang senador.

Nauna rito, hayagang tinukoy ni Trillanes si Arroyo na siyang nasa likod ng mga katiwaliang kinasasangkutan ni dating military comptroller Carlos Garcia, isang retiradong heneral.

Masyado aniyang malaking halaga ang nakulimbat ni Garcia para mag-isa lamang niya itong magawa.

Malakanyang lamang aniya ang may kapangyarihang magbasbas para mailabas ang napakalaking halaga mula sa pondo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply