Trillanes kinastigo ng Senate media

KINASTIGO ng ilang miyembro ng media na nagko-cover sa Senado si Sen. Antonio Trillanes IV dahil sa pagbubunton nito ng sisi sa media kaya’t may nakaambang disciplinary action sa mambabatas.

Ani Trillanes, hindi totoo ang napabalitang idinawit niya si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa kontrobersiyang “pabaon system” sa Armed Forces of the Philippines.

Sa magkakahiwalay na panayam, nanindigan ang ilang reporter sa Senado na talagang si Trillanes ang nagdawit kay Arroyo bilang ang tinutukoy na “powerful person” na nasa likod ni dating AFP comptroller Carlos Garcia.

Ayon kay Ruel Otieco ng Radyo Singko, hindi dapat gawing sangkalan ni Trillanes ang media upang makaiwas sa pagkastigo ni Senate President Juan Ponce Enrile, na nagsabing maaaring disiplinahin ang dating Oakwood mutineer kapag hindi nito mapapatunayan ang kanyang akusasyon.

“Huwag niyang gawing sangkalan ang media upang maka-iwas sa pagkastigo ni Senate President Juan Ponce Enrile,” ayon kay Otieco.

Nauna nang idinadawit ni Trillanes ang kongresista ng Pampanga sa talamak na korapsyon sa AFP na kasalukuyang iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee.

Mismo ang reporter na ito kasama si Nimfa Ravelo ng DZBB ang nag-interbyu kay Trillanes nang sabihin nitong “posibleng umabot sa Malakanyang” ang umano’y katiwalian.

“Kahit hindi direktang tinukoy ni Senator Trillanes ang pangalan ng dating pangulo sa pagtuturo niya sa Malakanyang, walang ibang tinutukoy ang senador kundi ang Pangulo dahil hindi naman ang bise presidente ang naninirahan sa Palasyo,” giit ni Otieco.

“Huwag siyang maging duwag at panindigan ang mga naging pahayag nya,” ayon naman kay Louie Garcia ng Radyo Inquirer.

Hinamon din ni Garcia ang senador na pangalanan ang tinutkoy na “powerful person” sa pagdinig sa Biyernes, Pebrero 18.

Naninindigan naman ni TJ Burgonio ng Philippine Daily Inquirer sa kanyang isinulat na istorya hinggil dito dahil mismong si Trillanes ang nagsalita nang idawit nito si Arroyo sa anomalya sa AFP. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply