Tubig-inumin sa Sorsogon apektado sa lahar flow

LUBHANG naapektuhan ang tubig-inumin ng mga residente sa lalawigan ng Sorsogon dahil sa pagragasa ng lahar.

Nabatid na kinailangan pang maglakad ng may tatlong kilometro ng mga residente para lang makabili at makaigib ng inuming tubig.

Kasabay nito, naitala kahapon ang may 13 volcanic quakes sa paligid ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon sa nakalipas na 24 oras, isang araw matapos ang pagragasa ng lahar.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, may kaugnayan sa pagdaloy ng lahar ang nasabing mga pagyanig.

“Gayunman hindi pa rin maobserbahan ang pagbuga ng usok dahil sa makapal na ulap na nakatakip sa pinakabunganga ng Bulkang Bulusan. Nagkaroon ng malakas na pag-ulan sa Bulusan na nagdulot ng pagdaloy ng lahar na may kasamang abo at bato galing sa bulkan na nagtuloy-tuloy sa mga ilog ng Cogon at Monbon,” ayon sa Phivolcs.

Nananatili pa ring nasa alert level 1 ang Bulusan subalit patuloy na ipinaiiral ang pagbabawal sa pagpasok sa four-kilometer radius Permanent Danger Zone. Alex Ching

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply