Tuloy o di tuloy?

HALA! Napakagulo naman pala ng usaping halalan sa ARMM.

Habang maraming grupo ang sumusuporta sa panukala ni Pangulong Aquino na  ipagpaliban muna ang halalan sa nasabing lugar, may mga grupo rin na matindi ang  kampanya na ituloy ang eleksyon doon sa Agosto.

Una na nating kinatigan ang sinabi ng Pangulo na dapat lamang ayusin muna ang  gulo at sistema sa ARMM bago mag-eleksyon doon.

Naniniwala tayo na tama si Pangulong Aquino na walang mangyayari at mananatili  lamang ang mga taong naghahari-harian doon kapag natuloy ang eleksyon.

Subalit may mga grupo rin na nagsabing walang batayan sa batas ang pag-postpone  sa halalan. Kaya naman may panukalang batas ngayon sa Kongreso na iurong ang eleksyon sa Agosto at isabay na lamang sa “general elections” sa 2013.

May mga nagsabi rin na baka maabuso naman ng mga mauupong “officers in charge”  ang kanilang kapangyarihan lalo na’t “appointed” sila ng administrasyon. May punto rin!

May nagsabi rin na magkakagulo sa nasabing rehiyon kapag walang eleksyon sa  taong ito.

Subalit ang nakakabahalang isyu na umuugong ay ang umano’y pagsusulong ng ilang  grupo na may interes sa halalan na matuloy ito.

May kita raw kasi sa eleksyon. Isipin nyo na lang ang milyon-milyong salapi na  makakamal sa kung sino man ang makakakuha ng pagsu-supply ng “counting machines”  kung magiging automated ang eleksyon.

May mga pulitiko rin umanong gustong tumakbo na hindi na makakapaghintay na  dumating ang 2013.

Muli na namang masusubukan si Pangulong Aquino sa isyung ito. Hindi kaya siya  aatras sa kanyang pahayag na dapat ngang huwag ituloy ang eleksyon? Hindi kaya  siya uurong sa gitna ng matinding “lobby” ng mga maimpluwensyang mga grupo?

May lumulutang na mga pangalan na umano’y itatalaga sa rehiyon bilang OIC, subalit pinasinungalingan ito ng mga nasabing tao. Ni hindi nga raw nila alam na  may ganon palang plano ang Pangulo.

Samantala, naghahanda na ang Comelec para sa halalan. Mabuti na umanong nakahanda, matuloy man o hindi, kay sa mahuhuli silang natutulog sa pansitan.

Kawawa naman ang mga taga-Comelec, kayod-kabayo na naman sila. Pero mas kawawa ang mga taga-ARMM, maiisahan na naman sila!-Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply