Pulis-Maynila namigay ng rosas sa kababaihan

NAMIGAY ng mga pulang rosas ang miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) unit ng Manila Police District (MPD) sa mga babaing pasahero ng bus para gunitain ang Araw ng mga Puso, Lunes, Pebrero 14.

Pinangunahan ni Senior  Supt. Nelson Yabut, hepe ng MPD-Distrcit Public Safety Battalion (MPD-DPSB) ang pamimigay ng bulaklak sa mga bus na bumibyahe sa Maynila.

Kasama ni Yabut ang halos 70 bus marshals sa pamamahagi ng 500 roses sa mga kababaihang pasahero.

Namigay din sila ng bulaklak sa babaing pasahero ng Light Rail Transit sa pag-asang mabura ang negatibong imahe dulot nang naganap na hostage crisis noong Agosto 23.

“Most of the flowers were given to female commuters in Manila. We want them (commuters) feel that they are special in our hearts by making them feel safe while they are in Manila,” ayon kay Yabut.

Inaasahan naman ng opisyal na manunumbalik ang tiwala at pagmamahal ng publiko sa kapulisan sa kabila ng mga pagkakadawit ng ilang pulis sa mga masasamang gawain nitong mga nakalipas na taon.

“Sana hindi na kami ma-busted ng publiko ngayong kami ay nag-e-extend ng pagmamahal sa kanila,” pabirong tugon ng opisyal.

Seryoso pang sinabi ni Yabut na ang nasabing proyekto ay upang iangat ang imahe ng mga police officers bilang mga totoong crime fighters at hindi mga katatawa sa publiko.

“Hindi lang kami (policemen) pang-confrontation.We also wanted to establish a good relation with the public,” giit  pa nito.

Samantala, nananatili namang nakaalerto ang kapulisan sa posibleng pagkakaroon muli ng pambobomba tulad ng nangyari noong 2005 Valentine’s Day bombing kung saan 4 na katao ang namatay.

Mahigpit ding binabantayan ang mga pampubliko at komersyal na establisimyento gaya ng malls, parke at maging mga motel na dinadagsa sa Araw ng mga Puso. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply