Whistleblowers sa AFP scam suportado ng Catholic schools

SUPORTADO ng mga paaralang Katoliko ang “whistleblowers” na nagsusugal ng buhay sa pagbubunyag ng mga katiwalian at korapsyon sa gobyerno tulad nina dating state auditor Heidi Mendoza, retired military budget officer Lt. Col. George Rabusa at Air Force Col. Antonio Ramon Lim.

Hinimok ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) ang mga miyembro nito na magsabit ng mga banner upang maipakita ang pagsuporta kina Mendoza, Rabusa at Lim na nagbunyag ng korapsyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

“We encourage our members to publicly manifest their support for truth-tellers: hang banners of support in their schools and release statements of solidarity,” anang CEAP sa isang kalatas.

Hinikayat rin nito ang mga Catholic schools na patuloy na turuan ang kanilang mga mag-aaral hinggil sa tinatawag na “Christian conscience,” talakayin ang isyu ng korapsyon, at hubugin ang mga ito sa katotohanan, integridad at katapangan.
Umapela pa ang grupo sa pamahalaan na tiyaking mapuprotektahan ang mga taong nagnanais na lumutang upang ibunyag ang katotohanan upang masugpo ang katiwalian at korapsiyon sa gobyerno.

Nanawagan din ito sa sangay ng hudikatura, partikular na sa Ombudsman at sa Sandiganbayan, na panaigin ang katotohanan nang walang takot at walang pinapaboran.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply