‘Zamboanga hermosa’

MULI akong napasyal sa Mindanao nitong nakaraang araw. Sa Zamboanga ako nagpunta. Matagal-tagal na ring di ako napadpad doon kaya napansin ko ang ilang mga pagbabago

Isa sa umagaw sa aking pansin ang tila dumaraming bata sa lansangan kahit sa gitna ng gabi.

(Opo, naglakwatsa ako sa gabi! At taliwas sa paniniwala ng mga taga-ibang lugar, hindi po nakakatakot mamasyal sa gabi sa Mindanao.)

Mas nakakatakot ang nakita kong dumaraming bata na sa bangketa na lamang natutulog. Meron pang buong pamilya yata na nagtalukbong lamang ng kumot at humimbing sa gilid ng daan.

Ano na ang nangyari sa dating “City of Flowers?” Kasabay ba sa pagiging “Latin City” ng Zamboanga ang pagdami na rin ng mga batang lansangan at pagtindi ng kahirapan?

Naisip ko tuloy na di na kailangang manakot pa ang mga terorista ng pambobomba. Hindi na nila kailangang pumatay.

Matinding terorismo na ang kahirapan ng mga pamilyang walang mauwian sa pagsapit ng gabi at walang mailalaman sa kanilang sikmura.

Napakalungkot na tanawin.

Sa tabi ng naggagandahang mga gusali, kainan, tambayan at gimikan, nakahandusay ang mga katawang tila naghihintay na lamang ng sundo ni kamatayan.

May magagawa pa rin naman siguro ang mga otoridad dito. Nagawa nga nilang pagtuunan ng pansin ang lumalala na ring kaso ng HIV sa siyudad.

Sa pamamasyal namin sa Zamboanga ng kaibigan kong potograpong si Jimmy Domingo, nabanggit niya, bilang trivia, na sa nasabing siyudad matatagpuan ang pinakamaraming kaso ng HIV sa bansa sa loob ng isang barangay.

Gumaganda na nga ang ilang bahagi ng Zamboanga. Maayos na ang lansangan malapit sa Fort Pilar. May tambayan na rin ang mga may pera sa tabing-dagat kahit nawala na ang mga tindahan ng barbecue sa Boulevard.

Subalit hindi matatakpan ng mga magagandang tanawin ang mukha ng kahirapan na aming naaninag sa mga katawang ang semento na lamang ang tanging naging pahingaan.-Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply