Exercise is good but we need cash

KUNG gusto mong humaba ang buhay, mag-titser ka.

Ito ang akala kong sikreto ng mahabang buhay. Kasi naman, tuwing tatanungin ko ang mga dating kaklase ko kung buhay pa si ganito at ganung titser, halos iisa ang sagot: “Buhay pa.”

Iyong iba nga raw ay nagtuturo pa.

Nagugulat siyempre ako, kasi ang tingin ko, halimbawa na ‘yung mga titser ko sa high school, ay ke tatanda na nila. Akalain mong nagtuturo pa pala?

Di ko maisip kung paano pa makakapagturo ang isang ganoon katatanda nang tao. Naka-dextrose kaya sila habang naglelektyur?

Sino ba ang ayaw mabuhay nang matagal, di ba? Kaya nga iniisip ko noon na mag-titser.

Pero heto ngayon at iniuulat ng Department of Education o DepEd na nagsasabing tila isang virus na kumakalat ang mga sakit sa puso, alta presyon, diabetes at iba pa sa hanay ng mga guro ng bagong henerasyon.

Sabi ni Education Secretary Armin Luistro, masyado umanong subsob sa trabaho ang mga guro kaya’t napapabayaan na tuloy ang kanilang katawan at kalusugan.

Bakit naman hindi? Sino ang hindi maaalta presyon at magkakasakit sa puso sa dami ng estudyanteng dapat asikasuhin?

At dahil sari-saring problema na hindi na sana dapat problemahin ang kinakaharap nila, tulad ng mga di-resonableng reklamo ng mga magulang ng mga estudyante, tumutulong bubong ng mga klasrum kapag umuulan, at mga balita tungkol sa paglaganap ng botcha kaya’t di na makabenta ng tocino, mada-diabetes ka talaga.

Talaga namang nakakabahala ang pangyayaring ito. Kung madaling magkasakit o (huwag naman sana) mamatay ang mga titser sa panahong ito, sino pa ang gigiya sa mga kabataan patungo sa wastong landas ng buhay?

Ako mismo, malaki ang utang na loob ko sa mga titser ko mula sa nagdaang panahon. Kaya nalulungkot ako sa ganitong balita. Ang katuwaan ko lang ay hindi ako nag-titser. Kaso nag-peryodista naman ako kaya ganun din.

Pero nalalayo tayo sa pinag-uusapan. Nakakatuwa ang DepEd dahil nagpasimula ito ng isang programang tinatawag na “I AM FIT” upang maisaayos ang pangangatawan at kalusugan ng mga guro.

Sa ilalim nito ay magkakaroon ng 30-minutong  ehersisyo gaya ng jogging tatlong beses isang linggo bago magklase.

Pero bukod sa kautusang magbibigay pagkakataon sa mga guro na mag-ehersisyo, dapat sigurong may mas radikal pang gagawin ang DepEd o ang lahat ng sangay ng pamahalaan mismo.

Halimbawa ay ang mga mambabatas, partikular ang mga miyembro ng Kamara de Representantes. O kaya’t ayusin nila ang badyet ng edukasyon sa bansa?

Kung magagawa nilang sundin ang nakatakda sa Saligang Batas na ang sektor ng edukasyon ang dapat magtaglay ng pinakamalaking bahagi ng pambansang badyet, marahil ay mas mababawasan ang sakit sa puso, alta presyon at diabetes sa hanay ng mga guro.

Kung mabibigyan sila ng wastong sweldo at mababawasan ang kanilang mga alalahanin dahil mas kokonti na ang mga mag-aaral nila sa isang klase, mas maayos ang kanilang workplace dahil may pera para dito at hindi na sila magpapaluwal, siguro mas lulusog at tatagal ang kanilang buhay.

‘Ika nga ng isang sikat na kasabihan: “Exercise is good, but we need cash.” Fort Nicolas

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply