Taxi driver, patay sa huling biyahe

IMBIS na namamahinga sa bahay dahil “day off” ay kamatayan naman ang sinapit ng isang 36-anyos na taxi driver matapos itong barilin ng kanyang pasaherong holdaper Martes ng madaling araw, Marso 29 sa Tondo, Maynila.

Kinilala ni P/Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, ang biktima na si Francisco Nepacina, may-asawa, taxi driver ng Face Taxi, ng 14 Sampaguita St., Longos, Malabon, Metro Manila.

Sa report ni PO2 Jason Ibasco, may hawak ng kaso, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang maganap ang panghoholdap sa biktima ng dalawang holdaper na kilala sa alyas na “Jayson” at “Maki”.

Nauna rito, ilang mga testigo ang nagsasabing pinara umano ng mga suspek ang minamanehong taxi ng biktima sa harap ng Pier kung saan isinakay naman ang dalawa ni Nepacina.

Sa kahabaan ng Road 10 malapit sa Herbosa St. at Pier 18 ay narinig na lamang ng mga tanod ng Barangay 110, Zone 9 ang sigaw ng biktima mula sa loob ng kanyang taxi na humihingi ng tulong.

Nilapitan ito ng mga tanod at nakitang duguan ang biktima kaya agad iton isinugod sa Mary Johnston Hospital, ngunit binawian din ito ng buhay makalipas lamang ng ilang minuto.

Nagtamo ang biktima na isang tama ng bala sa kanang bahagi ng kanyang tiyan at dalawang tama ng saksak sa kanang balikat at kili-kili. Tinangay naman ng mga holdaper ang kinitang pera ng biktima sa kanyang pamamasada.

Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang pulisya para sa ikaaresto ng mga suspek.

Ayon kay Christine, asawa ni Nepacina, “day off” umano ng biktima, ngunit hindi pumasok ang karelyebo nito kaya’t siya ang namasada na naging dahilan naman ng kanyang kamatayan matapos na holdapin ng dalawang suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply