10,000 MT na palay winasak ng Bulkang Bulusan

INIULAT ng Department of Agriculture (DA) sa Senado na umabot sa mahigit 2,000 ektarya ng bukirin  na inaasahang makapag-aani ng 10,000 metriko toneladang palay ang winasak ng pagsabog ng Bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon sa rehiyon ng Bicol.

Dahil dito, sinabi ni Sen. Edgardo Angara na dapat gumamit ang pamahalaan ng siyensiya at teknolohiya sa pagpapatatag ng agrikultura.

Ani Angara, sa ganitong paraan ay makatutulong ito sa pagpapalago ng ekonomiya sa bansa at mananatili itong competitive sa kabila ng mga natural na kalamidad tulad ng pagsabog ng bulkan.

“Dapat samantalahin natin ang gamit na ibinigay sa atin ng siyensiya at teknolohiya upang makalikha tayo ng matibay na bansa. Palagi tayong nagdadalamhati sa pagdating ng bagyo at natural na kalamidad, ngunit mayroon tayong tumpak na pagtugon na bawasan ang impact ng ganitong pangyayari sa pamamagitan ng paggamit ng mga kagamitan,” giit ng senador.

“Kapag sinalanta tayo ng bagyo, malaking banta ito sa suplay ng pagkain. Dapat maging matatag tayo sa bawat pagdating ng ganitong kalamidad taun-taon,” dagdag pa ni Angara.

Bukod pa sa nasabing pagkawasak ng mga palay, iniulat din ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mahigit P200 milyon halaga ng produksyon ng sektor ng agrikultura ang nasalanta ng ulan sa 21 lalawigan sa Hilagang Luzon nitong nakaraang buwan.

Noong 2010, umabot naman sa P5 bilyon ang halaga ng mga produktong pag-agrikultura ang winasak ng mga bagyong Ondoy at Pepeng.

Dahil sa bumaba ang suplay ng bigas, napilitan ang nagdaang administrasyong Arroyo na umangkat upang maiwasan ang kakapusan.

Kaugnay pa rin nito, ipinaliwanag ni Angara kung bakit kailangan ng paggamit ng siyensiya at teknolohiya sa sektor ng agrikultura.

Ayon umano sa pag-aaral ng Columbia University at World Bank na pinamagatang,  “Natural Disaster Hotspots: A Global Risk Analysis” ang atning bansa ang isa sa may pinakamapanganib na magkaroon ng kalamidad tulad ng lindol, bulkan, pagguho ng lupa, baha, tagtuyot at buhawi.

Ani Agara: “Kailangan nang palakasin ng gobyerno ang research and development system sa sektor ng agrikultura kabilang ang mga institusiyon, pasilidad at yaman-paggawa upang makaagapay ang ating bansa sa lumalagong pangangailangan sa produksiyon ng pagkain sa harap ng tumitinding hagupit ng kalamidad.” Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply