2 eskwelahan sa QC ipasasara

IPINASASARA ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang dalawang pribadong paaralan sa lungsod dahil sa paglabag sa Fire Code of the Philippines sa kabila ng pagbababala dito.

Sa rekomendasyon ni Quezon City Fire Marshall Senior Supt. Bobby Baruelo, kaagad na ipinatigil ni Bautista ang operasyon ng Claret School, isang eksklusibong paaralan para sa mga lalaki, na nasa Mahinhin St., UP Village at Blue Ridge Christian Academy sa Boni Seranno Rod., Murphy.

Sa ulat ni Baruelo noon pang Hunyo 2010, ipinaalam ng kanyang tanggapan sa nasabing dalawang paaralan ang mga paglabag sa batas na nagawa ng mga ito subalit nang mag-inspeksyon sila noong Pebrero at Marso ay walang aksyong ginawa ang mga paaralan.

Sinabi ni Bautista na makapagbubukas lang ang dalawang pribadong paaralan kapag naisagawa na nila ang aksyon.

Kailangan din umanong ipaalam ang kanilang aksyon sa pamahalaan dalawang buwan bago ang pasukan sa darating na Hunyo.

Kasabay nito, inatasan din ng alkalde na pagbutihin pa ang pagbabantay sa iba pang paaralan sa lungsod upang mapigilan ang pagkakaroon ng sunog na posibleng kumitil ng buhay at makapaminsala ng mga ari-arian.

Sa ulat, nabatid na walang sapat na fire alarm at detection system at walang wet standpipe system, illuminated directional exit signage, automatic emergency lights, portable fire extinguishers, fire drill/seminar at may mga LPG tank sa gusali na wala sa tamang lugar, bukod pa sa walang auto shut-off device ang Claret School.

Ang Blue Ridge Christian Academy  naman ay walang standpipe system, fire drill/seminar at malinaw na nakasulat na fire exit sa ikalawang palapag nito. Santi Celario

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply