2 holdaper todas sa engkuwentro sa Kyusi

PATAY ang dalawang holdaper makaraang makipagpalitan ng putok sa mga nagpapatrulyang pulis ng Kamuning Police Station (PS-10), habang isa naman ang pinagtulungang bugbugin ng taumbayan sa magkahiwalay na insidente ng nakawan kagabi sa Quezon City.

Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director Police Chief Superintendent Benjardi Mantele, naganap ang unang insidente ng alas-10 kagabi, Marso 14 sa Dr. Garcia Street, malapit sa Panay Avenue, Pinyahan, Quezon City.

Naglalakad pauwi ng bahay mula sa isang botika si Rubie Jarabelo, 39, ng Waling-waling Street, Roxas District, Quezon City nang hablutin ng isa sa mga suspek ang kanyang bag.

Hindi naman agad ibinigay ni Jarabelo ang kanyang bag at nagsisisigaw para humingi ng saklolo.

Nagkataon namang nagpaptrulya sa lugar ang tropa ng pulis-Kamuning kaya agad na sinaklolohan ang biktima.

Nang pasukuin ang mga suspek ay nakipagbarilan ang mga ito sa awtoridad, kanilang agad na ikinamatay.

Inaalam ng pulisya ang pagkakilanlan ng mga napatay.

Samantala, bugbog-sarado naman ang isang holdaper nang pagtulungang gulpihin ng mga tambay sa Times Street cor. Examiner Street, Quezon City, dakong 8:30 kagabi.

Sa report ni Masambong Police Station (PS 2) Commander Police Superintendent Audie Madrideo, kinilala ang suspek na si Raymond Cruzado, 27, ng 16 Biak na Bato St., Quezon City.

Ayon sa biktimang si Maryrose Joy Venida, 27, naglalakad siya palabas ng Quezon Avenue para mag-abang ng masasakyan nang tutukan siya ng suspek ng replica ng cal. 9mm beretta saka tinangay ang kanyang bag na naglalaman ng pera, cell phone at iba pang mahalagang gamit.

Nang papatakas na ang suspek ay humingi ng saklolo ang biktima sa mga tambay sa lugar dahilan para habulin nila ang suspek saka pinagtulungang bugbugin.  James de Jesus

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply