2 holdaper utas sa shootout

PATAY ang dalawang holdaper matapos makipagpalitan ng putok sa operatiba ng MPD-Station 4  matapos ang naganap na holdapan sa Sampaloc, Maynila Sabado ng  madaling-araw, Marso 12.

Inilarawan ni P/Insp. Armand Macaraeg, hepe ng MPD-Homicide Section ang unang napatay na na nasa edad 30 hanggang 35, may taas na 5’3 nakadilaw na t-shirt, naka-maong pants, rubber slipper, may tattoo na tribal sa itaas ng likod at may pangalang Enan sa gawing ibaba ng likod.

Habang ang isa ay tinatayang nasa edad 30-35, may taas na 5’4, kayumanggi, katamtaman ang pangangatawan, naka-black t-shirt, green na panloob na damit at puting short pants at rubber slipper, may tattoo sa kanang dibdib  na Alona Banal, sa kaliwang balikat at may naka-tattoo na Chaka at Rey Morales/Commando sa kaliwang bahagi ng likuran.

Sa report ni SPO2 Edgardo Ko, dakong 3 ng madaling-araw nang makaengkuwentro ng mga biktima ang mga tauhan ng MPD-Station 4 matapos ang mahabang habulan nang mangholdap ang mga ito sa Andalucia sa pagitan ng J. Barlin at P.Campa sts., Sampaloc, Maynila.

Nauna rito, nag-aabang umano ng masasakyang jeep papauwi sa kanilang bahay ang biktimang si Maureen Ramos nang ng dalawa na sakay ng pink na Yamaha MIO motorcycle na walang plaka saka nagdeklara ng holdap.

Sapilitan umanong kinuha ng dalawa ang bag ng biktima saka tumakas patungong Quiapo area.

Nang magsisigaw  si Ramos ay natawag niya ang pansin ng nagpapatrolyang miyembro ng MPD  Anti-Crime Unit ng Police Station 4 dahilan kaya hinabol nila ang dalawang holdaper.

Pagsapit sa P. Campa at Andalucia st., inabangan ng mga pulis ang mga suspek kung saan nang mapadaan ang mga ito sa lugar ay agad silang hinarang ng awtoridad at sinabihan na sumuko nang maayos at ibaba ang kanilang mga armas.

Ngunit sa halip na sumunod ay itinutok ng mga ito ang kanilang dalang baril sa awtoridad kung saan naging maagap ang pulisya at inunahan ng putok ang dalawa agad nilang ikinamatay.

Narekober sa mga suspek ang tinangay na bag ni Ramos na naglalaman ng mahahalagang gamit, P1,590 cash  at ang .38 kalibre ng baril na ginamit sa  panghoholdap. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply