2 Maguindanao massacre suspects babasahan ng sakdal

BABASAHAN ng sakdal ang dalawa pang akusado sa Maguindanao massacre sa susunod na linggo.

Sa magkahiwalay na kautusan, itinakda ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 221 judge Jocelyn Solis-Reyes ang pagbasa ng sakdal laban kina SPO2 Badawi Bakal at civilian volunteer organization member Nasser Esmael sa Abril 7, 2011, alas-nuwebe ng umaga.

Ang pagbasa ng sakdal ang magbibigay ng pagkakataon sa mga akusado para magpasok ng kanilang plea na guilty o not guilty at magbubukas ng daan para malitis ang merito ng kaso.

Sa kasalukuyan, 50 pa lamang sa 196 na akusado ang nabasahan ng sakdal buhat nang sila ay makasuhan kaugnay ng Maguindanao massacre.

Gaganapin ang pagbasa ng sakdal sa special court sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City, na pinagkukulungan ng mga akusado.

Iginiit ni Judge Solis-Reyes sa kanyang kautusan ang manipestasyon ni Bakal noong Marso 18, 2011, na nagsasabing bukal sa kanyang kalooban na mabasahan ng sakdal.

Malinaw umano na inabandona na ni Bakal ang kanyang isinumiteng Motion for Reconsideration sa korte nang maghain ng manipestasyon.

Sa naunang inihain na mosyon ni Bakal, kinuwestiyun niya ang pagkakasama niya sa listahan ng mga akusado sa karumal-dumal na krimen.

Ipinaliwanag ni Bakal na napag-isip-isip niyang mas matatagalan ang pagdinig sa kanyang kaso kung hihintayin pa ang resolusyon sa kanyang mosyon.

Itinakda naman ng korte ang pagbasa ng sakdal kay Esmael batay sa mosyon na isinumite ng kanyang abogado noong Marso 21 na humihiling na mabasahan na ng sakdal ang kanyang kliyente.

Muli na namang hindi natuloy ang paglilitis kahapon dahil may sakit ang testigong si Chief Insp. Raymond Cabling na siyang magbibigay dapat ng kanyang testimonya. Robert C. Ticzon

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply