2 tauhan ni Gov. Vilma Santos utas sa ambush

PATAY ang dalawang tauhan ni Batangas Gov. Vilma Santos habang himalang nakaligtas ang isa pa matapos tambangan at  pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Lipa City Sabado ng umaga, Marso 12.

Sa inisyal na report na nakarating sa Camp Aguinaldo, daglian ang naging kamatayan nina  Cesar Guce, 62, executive assistant and liaison officer on police matters sa Batangas capitol, at driver nitong si  Randy Reyes, 34, kapwa residente ng  Barangay Pinagtung-ulan, San Jose, Batangas.

Samantala, mapalad namang hindi nahagip ng bala si Caleb Pena Andal, 17, ng nasabi ring lugar.

Ayon sa ulat ni Batangas PNP Director P/Sr. Supt. Alberto Supapo kay PRO-4A Regional Director Police Chief Supt. Samuel Pagdilao, lulan ng Toyota Land Cruiser (XDV-736) ang mga biktima at patungo sa bayan ng Cuenca mula Lipa City nang harangin sila ng tatlong armadong lalaki na sakay ng motorsiklo bandang alas-6:30 ng umaga sa kahabaan ng  JP Laurel Highway, Barangay Banay-Banay.

Matapos paputukan ay nawalan agad ng kontrol sa sasakyan ang driver dahilan para sumalpok sa isang tindahan sa gilid ng highway.

Nagawa pang maisugod ng ilang nakasaksi ang mga biktima sa Mary Mediatrix Hospital subalit  binawian din ng buhay ang mga ito.

Nakuha sa pinangyarihan ng pamamaslang ang 16 empty shells mula sa kalibre .45 pistola.

Hinihinala ng pulisya na may kinalaman sa trabaho ang motibo sa pamamaslang sa liaison officer at driver ni Santos. Verlin Ruiz/Evelyn Garcia

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply