3 binatilyong suspek sa frat war arestado

ARESTADO ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section ang tatlong kabataang miyembro ng fraternity matapos mapatay ang isang 19-anyos na binatilyo sa naganap na sagupaan ng magkalabang fraternity sa isinagawang follow-up operation, Martes ng gabi, sa Sampaloc, Maynila.

Kasalukuyan ngayong nakakulong sa detention cell ng MPD-Homicide Section ang tatlong suspek na sina Tolentino Santos, 19, ng 809 Marquitos St., Sampaloc;  Arnel  Jio, 17, 824 Loyola San Diego St., Sampaloc; at si Edison dela Paz, 21, ng 874 Mercedez St., Sampaloc at umano’y pawang mga miyembro ng Loyola and Marquitos Hood Gang.

Dakong alas-8:40 ng gabi nang maaresto nina SPO4 Venerando Minas, SPO1 Joemel Alban, PO3 Jonathan Moreno, PO2 Eugene Garcia ang mga suspek sa nasabing lugar matapos na ituro ang mga ito ng di nagpakilalang testigo .

Ayon kay Jio, nagkasagupa sila ng biktima noong Enero 23, kung saan nasaksak ito sa kanang braso.

Ang tatlong naaresto ay kabilang sa may 30-miyembro ng Loyola and Marquitos Hood Gang na nakasagupa at nakarambulan ng Istomo Youngters Gang na kinabibilangan ng biktima.

Matatandaan na ang grupo ng biktima na si Henry Carpio, binata, walang trabaho, ng 1027 Crisostomo St., Sampaloc at miyembro ng Istomo Youngters Gang, ay nasa Florencio at Asuncion St., nang biglang dumating ang kalabang fraternity lulan ng pitong tricycle na pumosisyon sa iba’t-ibang parte ng lugar.

Nagkaroon ng rambulan na nauwi sa pagpapaputok ng baril sa grupo ng mga suspek na tanging ang paghagis ng bato lamang ang naging ganti ng grupo naman ng biktima.

Minalas namang tinaman ng bala si Carpio sa kaliwang dibdib na nagresulta ng kanyang pagkamatay habang ginagamot sa UST Hospital.

Bunsod nito, agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng MPD-Homicide Section na nagresulta ng pagkakaaresto ng tatlong suspek.

Kaugnany nito, inaasahan pa rin madarakip ang iba pang suspek na sangkot sa pagkamatay ng biktima sa naganap na sagupaan ng magkalabang fraternity. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply