3 patay sa landslides sa South Cotabato

TATLO katao ang namatay habang isa ang sugatan sa landslides bunsod nang walang tigil na pag-ulan sa T’boli, South Cotabato.

Pinangangambahan ngayon ng militar kung may mga minerong na-trap sa loob ng dalawang tunnel na natabunan ng gumuhong lupa at bato, dahilan ng pagkamatay ng tatlo at pagkakasugat ng isa.

Ayon kay Ltcol Lyndon Paniza, tagapagsalita ng Army 10th Infantry Division, dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan sa nasabing lugar ay nagkaroon ng landslide sa Sitio Tunnel, Barangay Kimatu, Tboli.

Sinabi pa ni Paniza na inaalam pa nila kung may natabunan sa loob ng dalawang tunnel dahil yung tatlong nakitang patay ay yung mga nasa labas.

Ayon naman kay Bobong Dimpot, head ng provincial barangay affairs ng South Cotabato, nakatanggap sila ng report na tumaas ang lebel ng tubig sa Sapali River na dumadaloy sa mga bayan ng T’boli, Surallah at Banga.

Inihayag ni Dimpot na may naputol na tulay sa nangyaring landslide sa T’boli.

Ganito rin umano ang nangyari sa Barangay Lamsugod ng Surallah at ilang lugar sa bayan ng Banga.

Nagtungo na sa lugar ang team ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) upang alamin ang report na marami na umanong pamilya ang nagsilikas dahil sa pagbaha at pag-apaw ng tubig mula sa ilog.

Mahigpit namang pinaalalahanan ang mga residenteng nakatira malapit sa nasabing ilog na lumikas kaagad sakaling tumaas pa ang tubig upang makaiwas sa peligro. Verlin Ruiz

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply