40% ng mga tinedyer out-of-school — Unicef

NABAHALA ang United Nations Children’s Fund (Unicef) sa dumaraming kabataang Filipino na nasa edad 12 -16 taong gulang ang hindi na nakapapasok sa high school.

Sa ipinalabas na opisyal na press statement ng Unicef, inilahad nitong sa buong mundo ay mahigit 70 milyon ang mga kabataang out-of-school.

Sa Pilipinas, nasa 60% lamang ang nakakapasok sa sekondaryong paaralan habang ang 40 porsiyento ay hindi na nagagawa pang maipagpatuloy ang pag-aaral.

Pagdating naman sa usapin ng kabuhayan sa Pilipinas, 1.4 milyon ng kabataang lalaki at babae na nasa edad 15-24 ang walang trabaho.

Ipinaliwanag ng Unicef na kaya nagkakaganito ang sitwasyon dahil sa kawalan o kakulangan ng sapat na kaalaman, kakayahan at abilidad ng mga kabataan sa mga trabahong kinakailangan sa lumalaking technological labor market.

“This not only results in a waste of young people’s talents, but also in a lost opportunity for the communities in which they live,” ayon pa sa pandaigdigang institusyon.

Madalas din umanong ipinagsasawalang-bahala ng maraming bansa ang halaga ng napakalaking populasyon ng kanilang kabataan.

Kaugnay nito, nanawagan ang Unicef sa pamahalaan na aksyunan ang nakababahalang sitwasyon ng mga kabataan, bago pa man tuluyang mawalan sila ng pag-asa na gaganda pa ang kanilang hinaharap. Robert C. Ticzon

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply