400 Pinoy evacuees susunduin sa Libya

NAKATAKDANG sunduin ng Philippine airlines (PAL) PR flight 008 ang humigit-kumulang 400 Filipino evacuees mula sa Libya makaraang lumipad ito Martes ng gabi, Marso 8, patungong Crete, Greece.

Nabatid sa PAL na aabutin ng 12 oras ang biyahe ng eroplano bilang special repatriation flight na may basbas ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Magiging pasahero nito ang mga Pinoy na tumakas mula sa magulong lugar sa Benghazi at Tripoli na matiwasay na nakarating sa Crete sa pamamagitan ng barkong inarkila ng Philippine government.

Ang eroplanong Boeing 777 na gagamitin ay may kakayahang magsakay ng 366 na pasahero ayon sa PAL.

Una nang ipinangako ng PAL management na maglulunsad sila ng humanitarian flight para sa mga naipit na manggagawang Pinoy sa Libya.

Ayon sa PAL management, hindi kaagad naisapinal ang evacuation flight dahil kailangan munang makakuha ng overfly permits, landing permits, ground handling arrangements at marami pang iba.

Nabatid pa sa flag carrier na ang mga pilotong magpapalipad ng Boeing 777 ay sina Capt. Francis Gregory Narciso, Capt. Armistes Cruz, Capt. Edgardo Diaz, First Officer Hilario Lagmay,  First Officer Emmanuel Lacson, First Officer Mark Anthony Fernandez at Second Officer Onofre Alzate.

Samantala, ang management cabin crew ay kinabibilangan nina Muniera Santos, Ena Penaverde, Ruby Manzano, Wesley Calfoforo, Nancy Diago, Thea Tee, Anna Zuniga, Loida Teopaco, Divine de Gracia, Oliver Samala, Steve Teves, Elsa Yuzon, at Ed Regencia.

Mayroon pang mga OFW ang nananatili sa Misurata, Libya.

Ayon kay Jimmy Gandia, isa sa mga tumatayong lider ng mga Pinoy doon, humigit-kumulang 80 OFW’s ang nasa Misurata.

Aniya, karamihan sa mga naiwan sa Misurata ay mga guro na hindi nakasama sa mga naunang batch na nagtungo sa Tripoli.

Sinabi ni Gandia na binabalak din ng mga ito na bumiyahe patungong Tripoli at inaayos na lamang ang kanilang masasakyan. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply