5 pulis-Maynila tinutugis sa nawawalang ransom money

TINUTUGIS na ngayon ang limang pulis Maynila makaraang pumuslit habang iniimbestigahan sa MPD- General Assignment Section hinggil sa nawawalang ransom money  mula sa dinukot na Malaysian national sa Ermita, Maynila.

Ito ang nabatid sa report na ipinadala ni MPD Director C/Supt. Roberto Rongavilla kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director C/Supt. Nicanor Bartolome na may petsang Marso 12, 2011.

Batay sa ulat, inatasan ni Manila Mayor Alfredo Lim si Rongavilla na imbestigahan ang malaking halaga ng ransom money na narekober mula sa mga suspek na dumukot sa isang Malaysian national na kinilalang si Eric Sim Chin Tong, na umaabot sa 15 milyong piso bukod pa sa P1.3 M na nakuha sa vault ng biktima, batay sa pagbubunyag ng mga naaresto na sina Marlon Lopera, Felizardo Gutierrez at Edel Macalinao kay Lim.

Napag-alaman na sa halip umano na ang malaking halaga ang iprinisinta  ay ang  P4.2 milyon lamang na bahagi ng ransom money matapos madakip ang mga suspek  sa Riviera Mansion, sa Ermita, Maynila, kung saan narekober ang isang maleta na naglalaman ng nasabing halaga.

Alinsunod sa utos ni Rongavilla kay District Intelligence Division (DID) chief, Supt. Ernesto Fojas, ipinatawag si MPD-station 5 chief, Supt. Felipe Cazon upang eskortan at dalhin ang limang pulis na sina Sr/Insp. Peter Nervisa, SPO3 Ernesto Peralta, PO3 Jefferson Britanico, PO3 Mike Ongpauco, at PO1 Rommel Ocampo para sa imbestigasyon sa nawawalang ransom money at iba pang  mahalagang ebidensiya para sa pagsusulong ng kaso laban sa 8 ipinagharap ng reklamong kidnapping with ransom.

Si Cazon at 5 pang pulis ay nagtungo sa DID dakong 5 ng hapon ng Biyernes  at nai-turn over naman umano ang nasabing 5 pulis sa kustodiya ni C/Insp Marcelo Reyes, hepe ng MPD-GAS.

Ngayong araw ay inilunsad ang manhunt operation laban sa mga suspek.

Una nang bumuo ng Task Force sina Mayor Lim, Gen. Bartolome at Gen. Rongavilla upang imbestigahan ang nawawalang bahagi ng ransom money. Jocelyn Tabangcura- Domenden

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply