AFP ‘pabaon probe’ muling binuksan

MULING binuksan ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon hinggil sa talamak na korapsiyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular ang pabaon system sa kabila nang naipalabas na ang partial report na nagrerekomendang patalsikin si Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Nitong Huwebes, ipinalabas ng tanggapan ni Sen. Teofisto Guingona III ang  media advisory na nagsasabing ipagpapatuloy ang imbestigasyon sa Lunes, Marso 21, 2011 kahit natapos na ang pagkalkal sa plea bargaining agreement na pinasok ng Ombudsman kay dating AFP comptroller M/gen. Carlos Garcia.

“Kailangan imbestigahan pa ang corruption sa AFP upang tuluyan nang maisara ang imbestigasyon,” ayon sa staff ng senador na ayaw magpabanggit ng pangalan.

Ipinatawag sa naturang imbestigasyon ang ilang matataas na opisyal ng AFP at Department of National Defense sa pangunguna ni Sec. Voltaire Gazmin kabilang sina  AFRP Chief of Staff Lt. Gen. Eduardo SL Oban Jr BGen. Benito De Leon, Chief, AFP MFO, dating budget officer Col. Antonio Ramon Lim.

Pinadadalo rin ng komite sina LT. Gen. Jacinto C. Ligot, Lt. Col. George A. Rabusa, Mrs. Erlinda Ligot, at kapatid nitong si Edgardo T. Yambao.

Nitong nakaraang linggo, ipinakalat ni Guingona sa miyembro ng komite ang partial report na nagrerekomendang patalsikin si Gutierrez at kasuhan ng prosecutorial negligence ang lahat ng special prosecutor sa pangunguna ni Atty. Wendell Barreras-Sulit. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply