Anak ni Gary Estrada kay Cheska Diaz, tanggap ni Bernadette Allyson

HINDI nga ba’t naanakan ni Gary Estrada ang isa sa mga anak na babae ni Paquito Diaz, si Cheska Diaz at ngayon ay binatilyo na ang supling na ‘yon.

Nang gabing dumalaw si Gary sa burol ng kanyang nahilaw na biyenan sa Funeraria Paz sa loob ng Manila Memorial Park sa Parañaque City, marami ang umasa na baka hindi tanggap ng mga Diaz ang aktor.

Pero nagkakamali sila dahil buong-puso, bukas-palad na tinanggap si Estrada sa lamay dahil matagal nang naghilom ang mga sugat ng mga kasangkot sa dramang ‘yon.

Ipinagmamalaki nga ng anak nina Cheska at Gary ang pagdating ng ama sa lamay ng kanyang Lolo Kits, ang palayaw ni Paquito.

Laging nakabuntot ang tin-edyer sa kanyang ama at lagi silang nag-uusap nang masinsinan.

***

Pati na ang relasyon ng bagets sa kanyang madrasta na si Bernadette Allyson ay lantad na lantad na napakaayos.

“Walang problema ‘yong bata kay Bernadette. Tanggap na tanggap niya ‘yon at madalas nga, nag-uusap sila,” pahayag ng right-hand man ni Gary na si Rommel na nagsisilbi ring cameraman ng aktor sa kanyang mga aktibidades sa showbiz at pulitika.

Kagagaling lang sa Atimonan, Quezon sina Gary at Bernadette, kasama si Rommel para makipagmiting sa mga lider doon kahit na ang Ikalawang Distrito ng Lalawigan ng Quezon ang nasasakop ni Estrada at ang Atimonan ay nasa Fourth District.

Pinaghalong Cheska at Gary ang hitsura ng batambata at poging-poging anak nila.

***

Dumalaw sa burol ni Paquito sina Christopher de Leon at Jestoni Alarcon dahil sa marami nilang pinagsamahan sa dakilang beteranong kontrabida.

Puring-puri si Jestoni sa namayapa dahil ito ang nagbigay-inspirasyon sa kanya.

“Sabi niya sa akin nang nagsisimula pa ako, sige lang, gawa lang nang gawa ng pelikula,” pahayag ni Alarcon.

Samantala, si Christopher ay hindi makakalimutan ang kagandahang-loob ni Kits sa kanilang unang pagsasama sa showbiz. “Para siyang tatay sa mga pangaral sa akin,” wika ni de Leon.

***

Magkasama namang nakiramay sina Jinggoy Estrada, isa sa mga senador ng bayan at Joseph Estrada. Dakila ring kontrabida ni Joseph si Paquito at magkumpare rin sila.

Nang umalis sina Jinggoy at Erap sa punerarya ay nagtuloy sila sa Bacoor, Cavite, sa mansyon ni Ramon Revilla, Sr., ang may kaarawan noong Martes.

Umapaw sa tao ang kumpleanyo ng matandang Revilla na dinaluhan din ng kanyang mga anak na sina Ramon “Bong” Revilla, Jr., isa ring senador ng Pilipinas at Lani Mercado, ang kongresista ng isa sa mga distrito ng Lalawigan ng Cavite kabilang din ang mga kapatid nila na sina Rowena Bautista, Strike Revilla, Marlon Bautista, Princess Revilla, Andrea Ynares at iba pa.

***

Nagluluksa rin ang showbiz sa pagyao ni Manny Nuqui, ang isa sa mga beteranong prodyuser ng mga action films na pinangunahan noon nina Bong Revilla at Rudy Fernandez.

Four N Films ang pangalan ng kumpanya ng pelikula ni Manny at isa siya sa mga opisyal ng Film Academy of the Philippines at isa rin siya sa mga kapangyarihan sa likod ng Metro Manila Film Festival Philippines.

Namatay si Nuqui nang dahil sa sakit sa puso. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply