Anti-cybercrime agency isinulong sa Senado

PANUKALANG anti-cybercrime agency na direktang nasa ilalim ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino ang nais isulong ni Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr.

Ayon kay Revilla, dahil na rin sa mabilis na paglaganap na internet technology, napapanahon at nararapat lang na magkaroon ng isang ahensiyang eksklusibong tutugon sa paglipana ng mga krimeng ginagawa sa pamamagitan ng internet.

“Halos lahat ng personal, opisyal, pang-negosyo at pinansiyal na aktibidad ngayon ay may kinalaman sa paggamit ng computer software at computer system.   Ang masama, nandiyan din ang mga cybercrimes na sumisira sa moralidad, seguridad at privacy,” anang senador.

Sa panukalang batas na inihain ni Revilla, ang Senate Bill no. 2721 ay nais nito na bumuo ng Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) sa ilalim ng kontrol at superbisyon ng Office of the President.

Ang ahensiyang ito ang magbalangkas ng isang cyber security plan.

“Dapat magkaroon ng sapat na kapangyarihan ang ating gobyerno upang epektibong maiwasan at malabanan ang mga cybercrime sa pamamagitan ng detection, imbestigasyon at prosekusyon sa mga ito sa domestic at international level.  Kailangan natin ng isang ahensiya para sa mabilis at maasahang pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensiya nito sa labas ng bansa,” pinunto ng mambabatas.

Nakapaloob din sa panukalang-batas ang mga paglabag na ikukunsidera bilang  cybercrime na may mga kaukulang parusa.

Ang mga paglabag na may parusang prision mayor at multang mula P200,  000  hanggang sa maximum amount na katumbas ng perwisyong nagawa ay ang Illegal Access,   lllegal Interception, Data Interference, System Interference, Misuse of Devices, Computer-related Forgery at Computer-related Fraud.

Ang Cybersex naman ay may parusang prision mayor at multang mula P200,000,00 hanggang P1 milyon habang ang Child Pornography gamit ang computer system ay may parusang prision correcional at multang PlOO,OOO hanggang  P500,000 at Arresto mayor at multang mula P50,000  hanggang P250,000.

“Ang pagtulong sa paggawa ng cybercrime at pagtangka sa paggawa ng cybercrime ay paparusahang ng pagkabilanggo na isang degree na mas mababa kaysa sa prescribed penalty ng cybercrime at multang isang daang libong piso hanggang  limang daang libong piso,” dagdag ng senador.

May probisyon din sa panukalang-batas hinggil sa corporate liability, kung saan ang juridical person na sangkot ay pagmumultahin ng mula P200,000 hanggang P10 milyon.  Kung ang cybercrime ay nagawa dahil sa kapabayaan  ang juridical person ay pagmumultahin ng P200,000 hanggang P5 milyon.

“Kailangang protektahan ang Internet technology system mula sa lahat ng uri ng  maling paggamit, pag-abuso at illegal access. Mahihikayat ang mga dayuhang mamumuhunan na magnegosyo sa bansa kapag mayroon tayong malakas na cybercrime law. Gaganda ang reputasyon ng bansa bilang trading partner para sa mga information and communication industries,” paliwanag ni Revilla. Vicky Cervales

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply