Apo ko, facebook friend ko

MAY bago akong grupo sa facebook… at excited ako.

Nitong nakaraang Linggo kasi ay nag-reunion ang aming angkan na ginanap sa isang sulok ng Taal, Bocaue, Bulacan na kilala bilang Nicolas Compound.

Ang tinutukoy kong “angkan” ay ang mga anak nina Lolo Galicano “Anong” Enriquez Nicolas at Lola Carmelita “Mileng” Trinidad Nicolas, mga asawa nila, mga anak, mga apo at mga apo sa tuhod.

Oo, may apo na ako, pero sa pinsan lang naman.

Marami-rami rin naman akong mga pinsan na mas matatanda akin. Yung iba ay nagkaapo ilang taon na ang nakararaan. Hindi ako masyadong naapektuhan.

Pero noong araw ng reunion, nang nagpapakilanlan na, nagsalita ang pinsan kong si Jun Mendoza. Ipinakilala niya ang kanyang asawa, mga anak, isang manugang at… isang apo.

Bakit special mention ko si Jun? Kasi barkada ko ‘yan. Mas bata pa nga siya sa akin. Ngayon may apo na siya.

Pakiramdam ko tuloy ay bigla akong inatake ng midlife crisis.

Sa gitna ng programa ay nagpanukala akong gumawa ng facebook group para sa pamilya . Pumayag naman sila.

Sa unang post ko sa bagong facebook group: “Naaalala ko pa noong bata pa ako (nasa elementary pa lang), may mga gabing nagsasama-sama kaming magpipinsan sa lumang bahay nina Lolo Anong at Lola Mileng.

“Sa espasyong sementado sa tapat ng “bahay ng matatanda” ay naglalaro kaming magpipinsan ng kung anong larong maisipan. Kung minsan ay taguan pung, o yung dodge ball (yung binabato yung mga kalaban hanggang maubos sila).

“Naririnig namin ang masayang kwentuhan ng mga magulang, ang magkakapatid na Nicolas, habang nagkukulumpunan sa malaking sala.”

Anim ang mga lalaking anak ng mag-asawang Anong at Mileng, pero isa na lang (ang bunsong si Eliseo) ang nabubuhay pa. Wala na sina Ruben, Eduardo, Fortunato Sr. (tatay ko), Armando at Romeo.

Sa apat na babae naman, ang pinakamatanda sa mga ito (si Veronica) pa lamang ang nalalagas. Salamat sa Diyos at kapiling pa namin sina Zenaida, Socorro at Dorcas.

Isinulat ko rin sa unang mensahe ko sa bagong grupo ko sa facebook: “Ang sarap-sarap maglaro sa ilalim ng liwanag ng buwan. Ang sarap-sarap pakinggan ang malulutong na halakhakan ng magkakapatid (mga anak nina Lolo at Lola na mga magu-magulang naming magpipinsan).

“Ang sarap-sarap na pakiramdam na kabilang ka sa isang malaki ngunit nagkakaisang pamilya.

“Isa itong bahagi ng aking kabataan na binabalik-balikan at hinahanap-hanap ko. Bakit ba kasi lumilipas ang panahon?”

Marami nang nawala. Mas marami ang nadagdag. Ang problema (nakakahiya mang aminin) ay di ko na kilala karamihan ang mga ito. Lalong hindi ko sila kilala nang malaliman.

Hindi kasi tulad ng dati na sa iisang compound lamang kami sabay-sabay lumaki. Kilala namin ang likaw ng bituka ng bawat isa.

Isang pamilya kami. Walang maaaring umagrabyado dahil kukuyugin ang sinumang susubok.

Masyadong enjoy kaming magpipinsan noon. Kung may madyik lang akong taglay, gusto ko sana ay maranasan ng aking mga anak, mga pamangkin sa mga kapatid at pinsan, mga (oo na!) apo ang sarap ng aming kabataan.

Kaso wala naman akong ganoong kapangyarihan. Mabuti na lang at may facebook. Fort Nicolas

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply