Armas labas-pasok sa UDM

ISINALAYSAY ng mga kaibigan ng biktima ng pamamaril sa Universidad de Manila na madalas nakakapagpuslit ng armas ang kasintahan nito sa nasabing paaralan.

Bago pa man ang malagim na insidente sa, lagi umanong tinatakot ng salarin na si Judiel Lumbad ang kasintahang si Mary Joy Pacheco tuwing sila ay nag-aaway gamit ang armas na dinadala nito sa UDM campus.

Apat na beses na rin daw nagtangkang magpakamatay si Lumbad sa loob mismo ng unibersidad. Si Pacheco ay SK chairman sa Tondo, Maynila habang SK kagawad naman si Lumbad.

“Matagal na pong nakikipaghiwalay si Mary Joy kay Judiel. Lagi po kasi siyang sinasaktan at tinatakot ni Judiel,” anang kaibigan ng biktima.

Inoperahan ang biktima sa Manila Doctors Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa ilong na tumagos sa kanyang pisngi. Lumabas din sa ultrasound na isinagawa bago ang operasyon na hindi ito buntis.

Taliwas ito sa naunang napaulat na dalawang buntis ang biktima at nais nitong ipalaglag ang dinadala na nag-resulta sa madugong pangyayari.

Ayon naman sa ina ni Mary Joy na si Marlene, ngayon lamang nila nalaman ang nangyayari sa magkasintahan dahil hindi umano ito nagsusumbong sa kanila.

Sinisi rin ng mga magulang ng biktima ang pagpapabaya ng mga guwardiya sa nasabing unibersidad dahil hindi na nila na-iinspeksiyon pa ang mga dala-dalang gamit ng mga estudyante.

Sa pahayag naman ng isang civilian guard na ayaw magpabanggit ng pangalan, sa entrance pa lamang umano ng eskuwelahan ay nangangapkap na sila. Subalit dahil sa mababa lamang ang bakod ng UDM ay nagagawang makapasok ng mga estudyante kahit hindi dumaan sa gate.

Patuloy pa ring inoobserbahan sa Manila Doctors Hospital si Pacheco habang sa Philippine General Hospital naman inoobserbahan si Lumbad.

Nabatid din sa mga kaibigan ni Mary Joy  na ang baril na ginamit ni Judiel ay isang paltik na .38 at hindi sa kanyang ama na miyembro ng Philippine National Police at nakatalaga sa Maynila. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply