Armas pa rin

GRADUATION na naman.

Tuwing naiimbita ako para magsalita sa mga graduation ceremonies, lagi ang tema ng aking speech ay pag-pupugay sa mga magulang dahil sa sakripisyo nila sa pagpapa-aral sa kanilang mga anak at pagpupugay din sa mga graduates dahil sa pagsisikap nila para makapagtapos.

Medyo mahirap na lang kasi ngayon dahil napakaraming problema ng sektor ng academe.  Marami pa rin sa ating mga elementary students ang hindi man lang makapagtapos ng elementary. Meron naman graduate ng elementary, hindi na makatungtong ng high school. Mas marami din ang bilang ng high school students na hindi na talaga makayang makapag kolehiyo. Ang mas masakit, maraming mga college graduates ang nakatapos nga pero wala namang kasiguruhan na makapaghanap ng mahusay na trabaho. Kulang na ang trabaho dito sa atin sa Pilipinas, nagkawala pa ang mga oportunidad sa ibang bansa dahil sa mga gyera sa mga bansa sa gitnang silangan at dinaanan ng delubyo ang Japan.

Ito ang mga bansang nagbibigay ng pagasa at pangako ng trabaho sa mga graduates natin. Wala na. Pero sa kabila ng lahat, nais kong igiit na edukasyon pa rin ang armas laban sa kahirapan.

Sa kabila ng lahat, wala nang mas totoo pa na kung walang edukasyon, walang magandang kinabukasan.  Ang edukasyon pa rin ang magsasalba sa bawat isa sa atin at magaahon sa atin mula sa pagkakalugmok sa kawalang pagasa.

Kaya malungkot ako sa mga batang sumuko na sa elementary pa lang.  Yung iba, itinutulak nang magtrabaho ang mga anak pagtungtong pa lang ng high school. Yung iba, naka-apak na sa kolehiyo at saka pa aatras.

Sayang.

Walang mangyayari sa bukas ng ating bayan kung walang edukasyon ang kabataan. Ang dapat nating ayusin ay ang pananaw ng lahat sa edukasyon.

Kung halimbawa ang isang bata ay magaling sa bukid, huwag natin siya itulak maging nurse dahil maaari syang maging isang napakahusay na agriculturist.

Kung nakikita natin sa ating anak ang potensyal na maging mahusay na guro, huwag natin sya pilitin maging inhinyero.  Ang edukasyon ay hindi lang dapat diploma.

Dapat ang ultimate objective ng pagaaral ay kung paano mahuhulma ang mga estudyante na maging matibay na haligi ng pamilya at ng bayan.

Ang edukasyon dapat ay hindi lamang pagmartsa na nakatoga, ito dapat ay tingnan na isang armas, isang salbabida, at natatanging paraan para maiangat ang antas ng kabuhayan ng Pilipino.

Armas ang edukasyon! Maligayang bati sa lahat ng graduates ngayong taon.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong salobin at opinyon. Atty. Ariel Enrile-Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply