Arraignment ng Dominguez carnapping group ipinagpaliban

IPINAGPALIBAN ng korte ang pagbasa ng sakdal sa diumano’y mga lider at miyembro ng Dominguez carnapping group na sangkot sa pagpatay sa car dealer na si Venson Evangelista.

Hindi itinuloy ng hukuman ang arraignment nina Roger at Raymond Dominguez, Jason Miranda, Alfred Mendiola at Ferdinand Parulan na nakatakda sanang isagawa Martes, Marso 8.

Nahaharap sa kasong carnapping with homicide ang naturang mga akusado sa Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 215 sa sala ni Judge Luisa Quijano Padilla.

Ayon kay Atty. Joey Cruz, abogado ng mga Dominguez, ipinagpaliban ni Judge Padilla ang pagbasa ng sakdal laban sa mga akusado upang magbigay-daan sa pag-aksyon ng korte sa mga nakabinbing mosyon kaugnay ng kaso.

Aniya, itinakdang muli ang pagpapatuloy ng paglilitis sa Marso 22 para magkaroon ng sapat na panahon ang korte na aksyunan ang hakbang ng prosekusyon na pagsama-samahin ang mga kaso.

“The prosecution has filed an amended information to try all the accused in a single case,” sabi ni Cruz.

Noong nakaraang buwan, nakasuhan sina Mendiola, Parulan at Raymond Dominguez ng kasong carnapping with homicide habang noon namang Marso 1, sinampahan din ng kahalintulad na kaso sina Roger Dominguez at Miranda.

Ikalawang beses na naantala ang pagbasa ng sakdal sa mga akusado sa nabanggit na krimen. Nauna nang itinakda ang arraignment laban kina Mendiola at Parulan ngunit ipinagbaliban ito at ginawang Marso 8.

Umapela naman si Mendiola na humihiling na tanggalin siya sa listahan ng mga akusado dahil maaari siyang gamitin ng prosekusyon bilang state witness.

Maliban sa pagpaslang kay Evangelista, iniimbestigahan na rin ng Department of Justice (DoJ) ang magkapatid na Dominguez kaugnay naman ng kasong pagpatay sa isa pang car dealer na si Emerson Lozano, anak ng kilalang abogado na si Oliver Lozano. Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply