Babae, may araw ka rin

KUNG ang Pebrero ay buwan ng People Power, ang Marso ay buwan ng Women Power dahil ngayon, Marso 8, ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Sa buong mundo, ginugunita ngayon ang ika-100 taon o sentenaryo ng dakilang araw ng mga kababaihan.

Paano nga ba naging “Araw ng Kababaihan” ang Marso 8?

Ang kauna-unahang demonstrasyon ng libu-libong kababaihan ay inorganisa ng mga kababaihan ng Partido Sosyalista ng Amerika noong Pebrero, 1908. Dinaluhan ng mga manggagawang kababaihan, nanawagan sila para sa mas maigsing oras ng paggawa, dagdag na sahod at maaayos na kundisyon sa pagawaan at karapatang bumoto ng mga kababaihan.

Sa sumunod na taon, 1909, muling nag-rali ang 2,000 kababaihan sa Manhattan, New York at sa taon ding iyon, nagwelga ang dalawampu hanggang tatlumpung libong shirtworkers. Umabot ng 13 linggo ang welga at ang Women Trade Union’s League ay nangalap ng pondo para sa mga inarestong strikers.

Bilang pagkilala sa pagkilos at militansya ng mga kababaihang manggagawa at ang pangangailangan ng pandaigdigang pagkakaisa ng mga kababaihan, itinakda ng mga sosyalistang kababaihan sa Pangalawang Kumperensya ng mga Kababaihang Sosyalista na dinaos noong 1910 sa Copenhagen, Denmark, ang pagkilala sa natatanging araw ng kababaihan.

Noong Marso 19, 1911, magkakasabay ang mga pagkilos sa kauna-unahang International Working Women’s Day – pulong, demonstrasyon at rali na pinangunahan ng mga kababaihang sosyalista at anakpawis sa Europa (Austria, Denmark, Germany, Switzerland) at Amerika. Sinimulan din ang “Bread and Roses” campaign ng mga kababaihan.

Sa bisperas ng Unang Pandaigdigang Gyera, noong 1913, ginawang Marso 8 na ang Pandaigdigang  Araw ng Kababaihang Anakpawis o International Working Women’s Day.

Makasaysayan ang Marso 8 sa pakikibaka ng mga anakpawis na mangagagawa at magsasaka sa buong mundo dahil ang welga ng mga  kababaihan noong Marso 8, 1917 sa ilalim ng kampanyang “Bread and Peace” na tumagal ng apat na araw ang nagpasiklab sa  Rebolusyong Pebrero sa Rusya na nagpatalsik sa kinamumuhiang rehimen ng Tsar, ( Marso 8 ayon sa Gregorian calendar pero tinaguriang Pebrero dahil ang gamit ng Rusya noon ay Julian calendar)

Noong 1977, matapos ang 64 taon, kinilala ng United Nations ang Marso 8 at dineklara ang araw na ito sa UN World Conference on Women bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

Ang militanteng tradisyon ng Marso 8 ang pinamana ng ating mga ninunong kababaihan na hindi natakot kumilos para makamit ang mga batayang karapatan at kagalingan ng mga kababaihan. Kumilos ang mga kababaihang manggagawa at magsasaka sa panahon ng pamamayagpag ng industriyalisasyon ng sistemang kapitalista.

Pero sa halip na kaginhawahan, dulot ng kapitalismo ang higit pang pagsasamantala at pang-aapi sa mga kababaihang mahihirap. Nagmistula silang alipin ng paggawa sa kakarampot na sahod, walang benepisyo, maka-hayop na  kundisyon ng paggawa at walang karapatang bumoto.  Wala silang nakitang ibang dapat gawin kundi ang lumaban.

Ang mga batayang karapatan ng mga kababaihan – karapatan sa batayang sahod, mga benepisyo, mas maayos na kundisyon sa paggawa at karapatang bumoto, mahalal at iba pang karapatang sibil at pulitikal ay resulta ng militanteng pakikipaglaban ng mga kababaihan para sa kanyang karapatan at kagalingan.

Pero malayo pa ang hinaharap para sa lubos na kalayaan, kaginhawahan, kapayapaan at kapantayan para sa mga kababaihan. Dito mismo sa ating bansa, mas nakararami pa ring kababaihan ang mahirap at gutom, walang trabaho, maliit ang sahod, walang sariling bahay at di-abot kamay ang panlipunang serbisyo tulad ng edukasyon at kalusugan.  Pasan pa rin ng kababaihan ang pang-aapi, diskriminasyon at karahasan dahil siya ay babae.

Kaya ngayong Marso 8, sigaw pa rin ng kababaihan, “Tuloy ang laban!”-Liza Maza

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply